Hindi ba ako napapagod? tanong sa akin. Ang sagot ko dito ay ang bukambibig ng Nanay ko sa amin. Kapag nakikita niya noon na parang wala kaming ganang kumilos, sasabihin agad niya : ” Hindi bumubukol ang pagod!” na paraan ng pagtuturo sa amin. Magpahinga kapag natapos nang mahusay, ang dapat gawin. Ito ang nagsanay sa amin sa ugaling “kasipagan at kahusayan.” Ipinasa ko na rin ito sa mga anak ko’t estudyante.
Habilin ng Isang Guro: Padayon
Sa laki ng agwat ng edad natin, hindi ko masabing habilin ng isang lola, o ng magulang ang mga habiling iiwan ko sa inyo. Kaya, ipalagay na lang nating nagtuturo pa ako at ang huling bahagi ng pananalitang ito ay mga habilin ng isang guro.
Sa pagkakataong ito, magsasarili na kayo. Iyan ang ekspektasyon sa inyo.
At siguro, iyan din ang gusto ng karamihan sa inyo. Saan ninyo gustong pumunta? Anong gagawin ninyo doon? Bakit ninyo gusto iyon? Kakayanin nyo ba? Mahihirap na tanong ito ng paglaki at pag-unlad. Baguhin natin nang kaunti ang mga tanong at idagdag sa bawat isa, sa simula ng tanong ang ” Bilang gradweyt ng Kolehiyo ng Agham…”
Bago ninyo sagutin ang mga tanong na iyan, baunin ninyo ang ilang habilin ko, para sa inyong “paglalakbay”.
- Umpisahan ang pagsasabuhay ng misyon ng Kolehiyo ng Agham.
Patunayan ninyo na totoo ang kasabihang ” Awan ti tarong nga, agbunga ti paria.” ( Hindi nagbubunga ang talong ng ampalaya) o ” Ang saguing indi macabunga sang kapyas” ( Hindi nagbubunga ang saging ng papaya). Ibig sabihin, kung ano ang puno, siya rin ang bunga. Nangunguna ang Kolehiyo ng Agham sa maraming bagay, inaasahan naming mamumunga ito ng mahuhusay na siyentistang sasali sa kasalukuyang hanay nila.
Ang kapasidad na inyo na dahil sa apat na taon ng pagsasanay sa CS at UP Diliman ay masustansyang lupang magpapayabong pang lalo sa inyo. Ang kapaligiran dito na malaya kayong nakapag-isip, nakapagmuni-muni, nag- eksperimento, at lumikha ay inaalagaan ng klima ng kalayaang-akademiko. Kaya gayun na lamang ang pagtatanggol dito sa mga panahong hinahamon ito ng Kapangyarihan. Kaya naman, sa paglalakbay ninyo, patuloy ninyong isagawa sa inyong sariling paraan ang pag-aalaga sa kalayaang ito.
- Kumapit sa Katotohanan at Katarungan
Sintanda ng ating kasaysayan ang pagtatanggol sa kalayaan at katotohanan. Panahon pa ng Kolonyalismo ng Espanya sa Pilipinas, pinukaw na ng dakilang makabayang makatang si Francisco Balagtas, ang kalagayang ugat ng hirap at pagkaapi ng mga Filipino. Sa danas na ito tayo laging lumilingon para sa mga aral nito sa kasalukuyan.
Sa madaling salita, inihahabilin kong manatili kayong kumakapit sa Katotohanan at Katarungan saan man kayo mapunta. Kung ang klimang panlipunan at pampolitika ay hindi nag-aalaga sa mga ito, paano aabante ang agham at teknohiya para sa pag-unlad ng sambayanan at bayan?
- Huwag bibitiw
May isa pang tanong, ” Gusto nyo ba ito?” Ihahabilin ko ito at may pakiusap: Huwag sanang magbago ang isip ninyo. Kailangan ng bansa natin ng higit pang maraming sayantist.
May personal na dahilan ang habiling ito. May anak akong gradweyt dito, nagpakadalubhasa sa ibang bansa at bumalik. Naniwala siya sa Balik-Scientist Program ng UP. Salamat sa malikhaing solusyong ito sa problema ng UP noon at ngayon na kulang pa ang mga sayantist na may PhD. Si Prof. Emeritus Gisela P. Concepcion ng UP MSI, VP for Academic Affairs noon, ang masigasig na nagsulong ng programa at naipatupad ito sa suporta ng Unibersidad. Sa ngayon, fakulti na rin ng UPMSI ang anak kong balik-scientist, katulad ni Dr. Deo Onda. ko Ipinagmamalaki ko rin ang ilang naging estudyante ko sa GE courses o PI-100 na mga Fakulti/sayantist na ng CS: Prof. Emeritus Helena Yap, Dr. Ronald Banzon, at Ma. Nerissa Abura.
Kinang na may Kabuluhan
- Kinang at Kabuluhan
At kung nagpatuloy na kayo na isang sayantist, ang pinakamahirap na tanong ay :
“Para Kanino ka bang sayantist?” Sa danas ko, ang mga natutuhan ko sa graduwadong programa sa Philippine Studies at Literatura ng Pilipinas ang nagbukas ng isip ko sa mga realidad ng pamumuhay sa ating bansa. At itong kamalayang ito ay hindi naging hiwalay sa mga gawain ko bilang guro, mananaliksik at manunulat. Katulad nang sinabi ko kanina, ang Kinang ay dapat timplahin ng Kabuluhan para higit na maging Kapakinabangan sa bayan at sambayanan. Samakatwid, hindi tayo nabubuhay para sa sariling Kinang lamang.
Sinasagot nang walang alinlangan ng UP Charter ng 2008, o ng RA 9500 ang tanong para sa mga magtatapos. Bukod sa iba pa, importanteng maisaloob ninyo ang ibig sabihin ng pagiging isang Pambansang Unibersidad; na misyon nito na manguna sa iba’t ibang programa ng serbisyo sa publiko’t komunidad at boluntaryong serbisyo, gayundin ang tulong na iskolarli at teknikal sa gobyerno, pribadong sektor at civil society samantalang napapanatili ang istandard ng kahusayan.
Sa anong konteksto o kapaligiran ninyo pag-iisipan ang pagtugon dito? Narito na tayo sa panlimang habilin.
- Paano pag-iisipan ang mga palaisipan ng kasalukuyan?
Anuman ang laboratoryong piliin, hindi ito maitatago sa nangyayari sa mundo. Kumbaga sa bagyo, literal at metaporikal, umaabot sa atin ang unos, baha, lindol, pagkawasak ng kapaligiran, kabuhayan at kapayapaan. Idagdag pa rito ang Covid 19 Pandemyang nagpalala sa ating sitwasyon. Gusto ko mang iwasan ang pagbanggit tungkol dito, dahil ang pagtatapos ninyo ay dapat na maging masaya; magkukulang naman ako bilang guro kung hindi ko man lang mabanggit ang tungkol dito. Sapagkat ang danas ay magpapatuloy kinabukasan at muling tayong sasamahan ng mga palaisipan.
Sa ngayon, mainit na usaping humahati sa komunidad at publiko ang teknolohiya ng Artipisyal na Karunungan. Sa isang banda, nariyan ang pagtanggap na napakalaking kabutihan ng AI sa pagpapahusay ng mga gawain sa iba’t ibang aspekto ng pamumuhay ng tao. Masaya kayo ngayon sa ChatGPT ng Google, halimbawa. Dito sa bakuran ng CS, sa Institute of Mathematics ay may naumpisahan nang pagdebelop ng AI powered Baybayin translation “converting entire paragraph and even full documents na nakasulat sa ancient Filipino Baybayin. Inaasahang ito ay maging una sa mundo at magbubukas ng oportunidad na malaman ang sinaunang kaalamang mahalaga sa atin, sa ating panahon.
Pero nagulat tayo sa pagbibitiw ni Dr. Geoffrey Hinton. Ginawa niya ito para malayang magsalita tungkol sa panganib ng AI, ayon sa kanya. Sa isang dekada niya sa gawaing ito nabuo nila ang kasalukuyang sistema tulad ng Chat GPT ng AI chatbots. Ngunit nag-aalala siya sa peligrong mangyayari kapag maging mas intelehente ang AI kaysa sa tao. Nagbababala din siya na baka magamit ng mga awtoritaryang lider ang chatbot sa pag-manipulate ng mga botante, halimbawa.
Lumalakas din ang boses ng mga nagbabala sa nangyayari sa ngayon dahil sa maaaring idulot na malubhang kapahamakan sa sangkatauhan. Nangyayari na rin, ayon sa mga nag-oobserve ang pangamba ni Hinton na sa lalong madaling panahon ay hindi na makikita ng mga tao kung ano ang totoo sa hindi dahil sa mga AI generated photos, videos at “text flooding” sa internet. May nagbababala rin sa dystopiang maaaring mangyari sa sangkatauhan tulad ni Yuval Harari, awtor, historian, at critic, at ng iba pa. May panawagan silang magdahan-dahan at suriing mabuti ang mga implikasyon ng kasalukuyang nangyayari.
Sa kontekstong ito, maging mapanuri tayo; una, alamin ang mga katwiran, pabor o kontra, o iba pang posisyong lilitaw at magkaroon tayo ng paninindigan: bilang sayantist, mamamayan, influencer, at maaari ding bilang lider.
Isang halimbawa lamang ang binabanggit ko sa mga palaisipan ng panahon natin kaugnay ng mga usaping global dahil sa limitadong panahon. Umaasa akong malay kayo o aware sa iba pang mga usapin. Ang mahalaga ay manatili ang ugaling mapagmatyag na taglay na ninyo dahil mga sayantist kayo; maging mapanuri, makilahok at pumanig sa pagbabagong makabubuti sa ating bayan at sa sangkatauhan.
Kung gayon, humayo kayong ligtas at nakatanaw sa magandang bukas!
PADAYON!
Wakas