Pagbabago sa Lakas at Galaw ng Bagyo Bago Tumama sa Pilipinas, Pinag-aralan ng mga UP Scientists
Published: December 26, 2025
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Dr. Eizadora T. Yu
Bilang isa sa mga bansang may pinakamaraming bagyo sa mundo, mayroon tayong 45 taon ng datos ng tropical cyclones (TC) o bagyo sa Pilipinas na pwedeng suriin at makakuha ng mahahalagang kaalaman tungkol sa pag-uugali ng mga bagyo habang papalapit at tumama o mag-landfall sa bansa.
Pinag-aralan nina Dr. Bernard Alan Racoma at Dr. Gerry Bagtasa ng UP Diliman College of Science – Institute of Environmental Science and Meteorology (UPD-CS IESM) ang 372 TCs na nag-landfall mula 1979 hanggang 2024. Natukoy nila ang mga pattern na nagpapakita ng mga operasyonal na hamon at ng pangangailangan para sa mas mahusay na paghahanda.
“Mas malalakas pero mabagal ang mga bagyong tumatama sa hilagang bahagi ng bansa. Ang mga bagyo naman sa timog ay mabilis na sa simula at patuloy pa ang rapid acceleration habang papalapit,” paliwanag ni Dr. Racoma. “May implikasyon ito sa uri ng panganib na dala nila.”
Ang mabilis at biglang bumibilis na bagyo sa Visayas at Mindanao ay nagbibigay ng mas kaunting oras para makapaghanda ang mga komunidad. Samantala, ang mas malakas ngunit mabagal na bagyo sa Luzon ay mas nagdudulot ng matagalang pagbaha at landslide.
Bagama’t madalas manatili ang TCs sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nang ilang araw, natuklasan ng mga meteorologist na maikli lamang ang direktang pagdaan ng mga ito sa mismong baybayin ng Pilipinas—karaniwang 21 oras bago tuluyang pumasok sa lupa o lumihis.
“Base sa geometry o hugis, medyo balingkinitan ang Pilipinas: mas pahaba ang bansa sa direksyong hilaga-timog kaysa silangan-kanluran. Dahil karaniwang kumikilos ang TCs mula silangan papuntang kanluran, mas mabilis nilang nalalampasan ang mas maikling path na ito,” paliwanag ni Dr. Racoma. “Isa pang maaaring paliwanag kung bakit maikli lang ang paglagi ng mga bagyo sa baybayin ay ang pagkawala o paglayo ng bagyo ng pinagkukunan nito ng enerhiya—ang maligamgam na dagat. Kumukuha ng lakas ang bagyo mula sa dagat, at hindi nila gusto ang manatili sa lupa.”
Binibigyang-diin ng mga meteorologist na ang pag-unawa sa oras at pagbabago sa lakas ng mga bagyo ay susi sa pagbabawas ng pinsala. Iminumungkahi nilang seryosohin ang anumang bagyong umuusbong at bantayan agad kapag pumasok o nabuo sa loob ng PAR. “Napakabilis ng rapid intensification—karaniwang nangyayari sa loob ng 24 oras. Hindi pa natin ito lubos na nauunawaan; kahit mahihinang bagyo ay puwedeng biglang lumakas. Dapat iwasan nating hintayin pang lumakas ang bagyo bago maghanda. Kalahati ng bagyong pumapasok o nabubuo sa PAR ay tumatama sa lupa, at kadalasan dito nagaganap ang rapid intensification,” paalala ni Dr. Racoma.
Ang pag-aaral na “Characteristics and Near-Landfall Behavior of Tropical Cyclones Affecting the Philippines (1979–2024)” ay inilathala sa Tropical Cyclone Research and Review, isang journal na nakatuon sa pagmo-monitor, pag-forecast, at pananaliksik ukol sa tropical cyclones at ang kanilang epekto sa disaster risk reduction. Sinuportahan ang pag-aaral ng UPD Office of the Vice Chancellor for Research and Development at DOST–PCIEERD.
References:
Racoma, B. A., & Bagtasa, G. (2025). Characteristics and near-landfall behavior of tropical cyclones affecting the Philippines (1979–2024). Tropical Cyclone Research and Review. https://doi.org/10.1016/j.tcrr.2025.11.004
For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.







