Walang Iisang Hotspot: Mga Siyentipiko ng UP Nakatuklas ng Bakteryum na Nagdudulot ng Leptospirosis sa Isang Daluyan ng Tubig sa Maynila

Published: October 21, 2026
By: Ram Julius L. Marababol
Translated by: Dr. Ian Kendrich C. Fontanilla

Photomicrograph ng inilarawang Leptospira gamit ang phase contrast microscopy sa 100X na pagpapalaki. (Photo credit: Ram Julius L. Marababol)

Isa sa pabalik-balik ngunit hindi gaanong napag-uusapang banta sa kalusugan sa Pilipinas ang leptospirosis: isa itong sakit na dulot ng bakteryum na matatagpuan sa kontaminadong tubig at lupa, at tumitindi ang paglaganap nito taon-taon sa pagdating ng tag-ulan at mga baha. Ipinakikita ng dalawang bagong pag-aaral mula sa University of the Philippines – Diliman College of Science (UPD-CS) at Philippine Genome Center (PGC) na maaaring mas malala ang sitwasyon kaysa sa inaakala ng ating mga health worker. Hindi dahil sa ito ay isang bagong uri ng bakteryum, kundi dahil kung saan ito natagpuang nabubuhay at namamayagpag pa.

 

Sinuri ng mga mananaliksik na sina Ram Julius L. Marababol at Dr. Windell L. Rivera mula sa Pathogen-Host-Environment Interactions Research Laboratory ng Institute of Biology (IB) sa UPD-CS ang presensya ng Leptospira sa Estero de Paco, isang daluyan ng tubig sa lungsod na bumabagtas sa mga komunidad sa Metro Manila na mataas ang populasyon at madalas bahain. Nangolekta sila ng mga sample ng lupa at tubig mula sa limang lokasyon sa kahabaan ng estero at nagsagawa ng pagsusuri sa 448 na bacterial isolate.

 

Natukoy ng pangkat ang Leptospira sa lahat ng limang lokasyon, kung saan walang nakitaang statistical difference sa presensya nito sa pagitan ng dalawang bukana ng estero o sa pagitan ng mga sample mula sa lupa at tubig. Ipinapahiwatig nito na ang Leptospira ay hindi nakatuon sa iisang bahagi lamang ng estero. Sa halip, natagpuan ang bakteryum sa kabuuan ng daluyan ng tubig, na nagpapakitang ang kontaminasyon ay hindi lang limitado sa iisang lugar at sa halip ay maaaring kumalat sa iba’t ibang bahagi ng estero sa lungsod.

 

Kabilang sa mga bakteryum na kanilang nakalap mula sa Estero de Paco, natukoy ng mga mananaliksik ang dalawang strain ng Leptospira na nagtataglay ng lipL32 gene, isang genetic marker na karaniwang iniuugnay sa pathogenic na Leptospira. Natukoy ng genetic sequencing ang strain bilang Leptospira yasudae, isang species na kilalang nakakahawa sa mga tao at hayop. Ito ang unang pagkakataon na ang L. yasudae ay na-genetically sequence mula sa mga sample na nakolekta sa Pilipinas. Inihambing din ng mga mananaliksik ang mga strain ng Pilipinas sa dalawang iba pang genome ng L. yasudae na nagmula naman sa Mayotte at Brazil. Ipinakita ng kanilang pagsusuri na ang mga strain ng Pilipinas ay genetically distinct mula sa mga naunang na-sequence na strain na ito, na nagmumungkahi na ang L. yasudae sa Pilipinas ay maaaring kumakatawan sa isang hindi pa dokumentadong local strain.

 

Ang pagtuklas na ito ay nagbunga rin ng isa pang kauna-unahan para sa agham sa Pilipinas. Sa isang kaugnay na papel na inilathala sa “Microbiology Resource Announcements,” iniulat ng mga mananaliksik ang kauna-unahang kumpletong draft genome ng L. yasudae mula sa lupa na nakuha sa Pilipinas. Ang genome na ito ay nagtataglay ng humigit-kumulang 4.5 milyong base pair ng genetic information, at ito ang ika-10 genome ng L. yasudae na na-sequence sa buong mundo—isang mahalagang kontribusyon mula sa Pilipinas sa lumalawak na talaan ng genetic information ng nasabing species.

 

“Iniisip ng karamihan na ang panganib ng leptospirosis ay nagmumula lamang sa mga naiipong tubig-baha pagkatapos ng isang bagyo,” pahayag ni Marababol, ang nangungunang mananaliksik sa parehong pag-aaral. “Ngunit ipinakikita ng aming datos na ang bakteryum na ito na nagdudulot ng sakit sa mga tao ay hindi nangangailangang maghintay sa pagsapit ng baha; naninirahan na ang mga ito sa lupa at tubig ng mga karaniwang daluyan ng tubig sa lungsod kung saan nakakalat sila sa buong taon.”

 

“Ang kawalan ng mga hiwalay na ‘hotspot’ ay siya mismong nakababahala,,” dagdag ni Dr. Rivera, ang senior author at supervisor ni Marababol sa PGC. “Ibig sabihin nito, hindi na sapat ang dating pamamaraan na tutukan lang ang isang kontaminadong lugar at linisin ito. Kung ang buong daluyan ng tubig ay nagsisilbing iisang magkakaugnay na imbakan, kinakailangang balikan natin ang pagsubaybay at mga hakbang na gagawin—hindi lamang sa ilang piling lugar na kinukunan ng sample, kundi sa kabuuhan ng mga daluyan.”

 

Tamang tama ang paglabas ng mga resulta. Pormal nang inuri ang leptospirosis bilang isang neglected tropical disease, ngunit ayon mismo sa mga pag-aaral sa public health na nabanggit mismo ng mga mananaliksik sa dalawang papel nila, naglalarawan ng isang epidemiolohiya ang sakit na “dumaraan sa isang malaking pagbabago.” Tumataas na ang insidente partikular sa mga lungsod gaya ng Metro Manila na kung saan masikip, mabilis ang pagiging urbanisado ngunit hindi sapat ang drainage, kasabay ng paglago ng mga impormal na pamayanan, mahinang pangangasiwa ng basura, at paulit-ulit na pagbaha,—lahat ng ito ay lumilikha ng mga kondisyon para sa bakteryum na makahawa hindi lamang sa mga hayop kundi pati na rin sa mga tao. Aminado ang mga eksperto na underdiagnosed ang sakit, na ang ibig sabihin ay maaarang mas marami pa sa opisyal na naitala ang mga nagkasakit na mga Pilipino dahil dito.

 

Maingat na ipinapaliwanag ng mga mananaliksik kung ano ang hindi ipinapakita ng kanilang mga natuklasan. Hindi tinukoy ng pag-aaral kung gaano karaming tao ang nahawahan ng mga strain na ito, ni hindi nito itinatag na ang bakteryum ang sanhi ng anumang kamakailang pagtaas ng mga naiulat na kaso ng leptospirosis. Ipinapakita ng pag-aaral na ang pathogenic na Leptospira ay natukoy sa maraming lugar sa kahabaan ng Estero de Paco at hindi lang sa iisa. Gamit ang bacterial culture, molecular testing, at genetic analysis, kinumpirma ng mga mananaliksik ang presensya ng mga strain na ito at sinuri ang kanilang kaugnayan sa iba pang mga strain ng Leptospira. Itinatampok din ang pangangailangang isaalang-alang ang malawakang presensya ng Leptospira sa mga daluyan ng tubig sa lungsod kapag nagpaplano ng pagsubaybay sa mga sakit sa panahon ng baha at pagpapaalala ng mga panganib ng leptospirosis sa publiko.

 

Ang parehong pag-aaral ay sinuportahan ng Department of Science and Technology (Project No. 9258), at isinagawa sa Pathogen-Host-Environment Interactions Research Laboratory ng UPD-CS IB, sa pakikipagtulungan sa PGC.

 

References:

Culturable Leptospira spp. Exhibit No Detectable Spatial or Matrix-Associated Structuring in Estero de Paco, Manila, Philippines. Marababol, R.J.L. & Rivera, W.L. BMC Microbiology (2026), Article in Press. DOI: 10.1186/s12866-026-05480-z

 

Draft Genome Sequence of Leptospira yasudae Strain Ss3a1f from Estero De Paco, Manila, Philippines. Marababol, R.J.L. & Rivera, W.L. Microbiology Resource Announcements, Vol. 15, Issue 7 (2026). DOI: 10.1128/mra.00547-26. Genome data deposited in NCBI GenBank under BioProject PRJNA1459639.

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.