UP-Developed Model Maaaring Makatuklas ng Maagang Senyales ng Metastasis sa mga Pasyente ng Breast Cancer

Published: June 02, 2025
By: Harvey Sapigao
Translated by: Dr. Ian Kendrich C. Fontanilla and Regina Joyce E. Ferrer

Si Regina Joyce Ferrer ng UPD-CS na sinusuri ang breast cancer organoids. (Kuha ni: Dr. Michael Velarde)

Sa Pilipinas, ang breast cancer ang pangunahing uri ng kanser sa kababaihan, na may mahigit 33,000 bagong kaso na naiulat noong 2022. Sa taon ding iyon, kumitil ito ng mahigit 11,000 buhay, kaya’t pumapangalawa sa lung cancer ang breast cancer sa sanhi ng pagkamatay sa bansa na may kinalaman sa cancer.

 

Kapag agresibo, ang breast cancer ay maaaring kumalat sa ibang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng isang proseso na tinatawag na metastasis. Gayunpaman, bago ito mangyari, kinakailangan munang pasukin ng cancer cells ang mga ugat tulad ng lymphatic at blood vessels upang makarating sila sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang kondisyong ito, na kilala bilang lymphovascular invasion (LVI), ay nagsisilbing maagang indikasyon ng metastasis para sa mga duktor. Sa kasalukuyan, ang LVI ay maaari lamang matukoy kapag tinanggal ang tumor sa isang operasyon at sinuri ang tissue na nakapalibot dito.

 

Pero ngayon, may mga biologist mula sa University of the Philippines (UP) ang nakabuo ng isang mathematical model na kayang tukuyin ang LVI sa mga pasyente ng breast cancer bago pa man sila sumalang sa isang operasyon. Ipinakita rin ng kanilang pag-aaral ang ugnayan ng LVI at drug resistance, na maaaring magpaliwanag kung bakit ang mga pasyente ng breast cancer na may LVI ay hindi gaanong gumagaling gamit ang anti-cancer drugs.

 

“If we can detect LVI earlier, doctors could personalize patient treatment and improve their outcomes. This could help avoid ineffective treatments and focus on strategies that work better for aggressive breast cancer,” ayon kay Dr. Michael Velarde, ang pangunahing mananalisksik ng grupo mula sa UP Diliman College of Science Institute of Biology (UPD-CS IB). [“Kung mas maaga nating matutukoy ang LVI, mabibigyan natin ang mga pasyente ng kaukulang paggamot para sa kanilang ikagagaling. Makakatulong ito upang maiwasan ang mga hindi epektibong paggamot at sa halip ay tumuon sa mga strategy na mas mabisa laban sa agresibong uri ng breast cancer.”]

 

Bukod kay Dr. Velarde, kasama sa pag-aaral sina Allen Joy Corachea, Regina Joyce Ferrer, Lance Patrick Ty, at Madeleine Morta ng UPD-CS IB, at mga mananaliksik mula sa Philippine Genome Center at UP Manila.

 

Bago ang operasyon, ang mga pasyente ng breast cancer ay binibigyan ng mga anti-cancer drug tulad ng doxorubicin at anthracyclines upang paliitin muna ang mga tumor. Kung minsan, nagiging mabisa ang droga at napapaliit ang tumor hanggang sa tuluyang mawala, kaya di na nangangailangang sumalang sa operasyon. Subalit maaari ring lumiit lang ang tumor pero di nawawala, kaya’t mangangailangan pa rin ng surgical removal. Dito lang malalaman ng mga duktor kung may LVI ang mga pasyente.

 

Mula sa clinical data na hinango sa 625 pasyente ng breast cancer sa Philippine General Hospital at maging sa pampublikong datos, napansin ng grupo ni Dr. Velarde na karamihan sa mga pasyenteng may LVI ay hindi rin gaanong gumagaling sa anti-cancer drugs.

 

Pinatunayan pa nila ang koneksyon sa pagitan ng LVI at drug resistance sa pamamagitan ng pagkuha ng mga tumor sample at pagpapatubo ng mga ito sa laboratoryo upang maging organoids – maliliit na tila organ na gumagaya sa tunay na mga organ. Ipinakita ng kanilang tests na ang mga organoid na positibo sa LVI ay hindi gaanong tumutugon sa mga anti-cancer drug kung ikukumpara sa mga negatibo sa LVI.

 

Natuklasan nila na may ilang enzymes pala ang sangkot sa paglusaw ng mga anti-cancer drug, gaya ng UGT1 at CYP enzymes, na nakitang mas marami sa mga pasyenteng may LVI. Kapag ang mga enzymes na ito ay mas marami, mas mabilis na nalulusaw ang mga anti-cancer drug, na nagpapababa sa kanilang bisa. Dahil dito, kapag mataas ang UGT1 at CYP enzymes sa mga pasyenteng ito, tataas din ang posibilidad na makaliligtas ang kanilang tumor at maaari pang kumalat sa ibang parte ng katawan.

 

Gamit ang mga kaalamang ito, nakabuo sila ng regression model na nagsusuri sa pag-express ng UGT1 at CYP genes sa mga biopsy ng pasyente bago sumalang sa operasyon. Tumugma naman sa 92% ang prediksyon ng kanilang modelo kapag ikinumpara sa resulta ng pagsusuri ng tissue mula sa surgery.

 

“Importantly, our approach can be implemented in the Philippines using locally available genomic technologies, making earlier detection and tailored treatment more accessible to Filipino patients,” dagdag pa ni Dr. Velarde. [“Ang mahalaga, maaaring ipatupad sa Pilipinas ang aming pamamaraan gamit ang locally available genomic technologies, upang mas mapabilis ang access at mapaaga ang paglapat ng personalized treatment sa mga pasyenteng Pilipino.”].

 

Gayunpaman, binanggit ni Dr. Velarde na nasa early stages of development pa ang kanilang model at hindi pa maaaring ipampalit sa nakagawiang paraan sa pagtuklas ng LVI. “More validation studies are needed before this can be used in clinics.” [“Mas marami pang pag-aaral ang kakailanganin bago ito tuluyang magamit sa mga klinika.”]

 

Plano rin ng grupo na i-validate ang kanilang mga resulta sa pamamagitan ng pagsubok sa mga gene signature sa mas maraming pasyenteng Pilipino na may breast cancer. Balak din nilang imbestigahan kung paano nauugnay ang UGT1 at CYP genes sa LVI upang matukoy ang mga kombinasyon ng gamot na mas epektibo para sa mga pasyenteng LVI-positive. “Our goal is to develop a practical test that can be used in Philippine hospitals to guide doctors in choosing the best treatment for each patient,” pagtatapos ni Dr. Velarde. [“Ang aming layunin ay makabuo ng isang praktikal na pagsusuri na maaaring gamitin sa mga ospital sa Pilipinas upang gabayan ang mga doktor sa pagpili ng pinakamahusay na paggamot para sa bawat pasyente.”

 

References:

Corachea, A. J. M., Ferrer, R. J. E., Ty, L. P. B., Aquino, L. A., Morta, M. T., Macalindong, S. S., Uy, G. L. B., Odoño, E. G., Llames, J. S., Tablizo, F. A., Paz, E. M. C. C., Dofitas, R. B., & Velarde, M. C. (2025). Lymphovascular invasion is associated with doxorubicin resistance in breast cancer. Laboratory Investigation, 104115. https://doi.org/10.1016/j.labinv.2025.104115

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.