Unang Bungo ng Sinaunang Stegodon Natagpuan sa Cagayan, Pilipinas

Published: September 12, 2025
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Dr. Eizadora T. Yu

Nakadiskubre ang isang lokal na mamamayan ng Solana, Cagayan (Hilagang Luzon) ng pinakaunang fossil ng bungo ng Stegodon. Ang Stegodon  ay isang extinct na animal na malayong kamag-anak ng mga modernong elepante. Ang natuklasang milyong-taong-gulang na bungo ay ang paksa ng isang pagsusuri ng mga paleontologist mula sa UP Diliman College of Science (UPD-CS) at University of Wollongong sa New South Wales, Australia.

Grapikal na abstract ng pag-aaral. (Photo credit: Tablizo et al., 2025)

Sina Meyrick U. Tablizo at Dr. Allan Gil S. Fernando ng UPD-CS National Institute of Geological Sciences (NIGS), at si Dr. Gerrit D. van den Bergh mula sa University of Wollongong ay naniniwala na ang natuklasang Stegodon ay malamang isang “teenager” pa lamang, at posibleng bahagya lang na mas matangkad kaysa sa karaniwang Pilipino. Tinatantya nila na ang isang ganap na nasa hustong gulang na Stegodon mula sa populasyong ito ay maaaring bahagyang mas maliit sa karaniwang nabubuhay na Asian na elepante. 

 

 “Ang mga katangian nito ay kapareho ng mga Stegodon na mula sa mga isla ng Indonesia tulad ng Sangihe, Sulawesi, at Flores,” ayon kay Tablizo. “Ibig sabihin nito, mahusay na manlalangoy ang mga sinaunang elepanteng ito, at may kakayahang tumawid ng dagat at mag-island-hop, dahil wala namang mga tulay-lupa na nagdurugtong sa mga islang ito.”

 

Pambihira ang pagkakatuklas ng bungo ng Stegodon. Karaniwang mas mahirap matagpuan ang mga fossil ng malalaking hayop kaysa sa maliliit, at kadalasan, bahagi na lang nga mga matitibay na buto tulad ng ngipin at tusk ang natatagpuan kaysa marurupok na bungo. “Ang mga bungo ay malaki, malukong, at madaling mabasag bago o habang nagiging fossil, kaya bihirang-bihira ang mga ito na manatiling buo sa loob ng libo hanggang milyong taon,” paliwanag ni Tablizo. “Kaya karamihan ng mga fossil ng Stegodon mula sa Pilipinas ay mga hiwalay na ngipin o piraso ng tusk, at paminsan-minsan ay mga bone fragments.”

 

Ang natuklasang bungo ng Stegodon ay natatangi—bagama’t durog at deformed, nakapreserba ang kumpletong ngipin at dalawang maliit na tusk. Ayon kay Tablizo, may mga lumang ulat ng mga bungo ng Stegodon sa Luzon, ngunit wala ni isa ang maayos na pinag-aralan o itinago sa mga museo. Kaya’t ang tuklas na ito ay ang kauna-unahang pormal na paglalarawan ng bungo ng Stegodon mula sa Pilipinas.

 

Ang pagtuklas na ito ay nagbibigay sa atin ng mas malinaw na larawan ng sinaunang wildlife sa Pilipinas. “Matagal na nating alam na may Stegodon dito, mula pa noong huling bahagi ng 1800s, pero hanggang ngayon, mga ngipin at piraso lang ng tusk ang napapag-aralan,” dagdag ni Tablizo. “Mas marami tayong natutunan mula sa isang bungo dahil nakatutulong ito upang matukoy kung aling mga populasyon ng Stegodon ang kauri nito at kung paano ito nakarating sa mga isla ng Pilipinas.”

 

Minumungkahi ng kanilang pagsusuri na maaaring hindi bababa sa tatlong iba’t ibang anyo ng Stegodon sa Luzon: isang malaki ang katawan, isang mas maliit o “dwarfed” na uri, at ang bagong intermediate form. Nagpapakita ito na mas komplikado at mayaman ang kasaysayan ng mga sinaunang elepanteng ito sa Pilipinas kaysa sa dating inaakala.

 

Binigyang-diin ni Tablizo na bukod sa mismong fossil, mahalaga rin ang konteksto nito—kung saan ito natagpuan, saang layer ng lupa ito nanggaling, at kung anong iba pang labi ang nasa paligid. Dahil kakaunti lang ang mga paleontologist sa bansa, napakahalaga ng mga pagkakataong makatuklas ng mga fossil ang mga lokal. “Kung sakaling makatagpo ng fossil, ang pinakamainam na gawin ay makipag-ugnayan sa Nannoworks Laboratory, Paleontological Society of the Philippines, o National Museum of the Philippines. Sa ganitong paraan, masisiguro na ito’y maayos na mapreserba at mapag-aralan, at maaari pa maging mahalagang susi sa pag-unawa ng ating likas na kasaysayan,” pagtatapos niya.

 

Ang kanilang pananaliksik na pinamagatang “Island-hopping across the Wallace Line: A new Pleistocene Stegodon fossil skull from Luzon (Philippines) reveals dispersal links to Wallacea” ay nailathala sa Palaeogeography, Palaeoclimatology, Palaeoecology, isang journal na nagtatampok ng dekalidad na pag-aaral sa larangan ng palaeoenvironmental geoscience.

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.