Ugnayan ng Paggamit ng Lupa at mga Virus sa Lamok, Natuklasan sa Pag-aaral ng UP

Published: June 9, 2026
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Mary Ann Corrales

Virome sequencing performed on Aedes aegypti and Ae. albopictus used in the study in 2018 revealed sequences belonging to vertebrate-associated and insect-specific viruses (Asin et al,. 2025).

Ang mga lamok tulad ng Aedes aegypti at Aedes albopictus, na kilalang naglilipat ng mga sakit gaya ng dengue, Zika, at chikungunya, ay maaaring may taglay na higit pa sa mga virus na nakakaapekto sa tao. Nagtataglay din sila ng mga insect-specific virus (mga virus na para lang sa insekto) na hindi nakakahawa sa tao; ang ilan pa nga sa mga ito ay maaaring pumigil sa pagdami ng mga virus na nagdudulot ng sakit. Nagpapahiwatig ito na ang mga lamok ay maaaring magsilbing mahalagang kagamitan sa pagtukoy ng mga kilala at umuusbong na virus na maaaring makaapekto sa kalusugan ng publiko. 

 

Sina Irish Coleen Asin, John Michael Egana, at Dr. Ma. Anita Bautista mula sa National Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng University of the Philippines Diliman College of Science (UPD-CS NIMBB), kasama si Dr. Richard Paul ng Institut Pasteur, Université Paris Cité, ay nangolekta ng mga lamok mula sa tatlong lugar sa Los Baños, Laguna na nagkakaiba sa topograpiya at paggamit ng lupa. Gamit ang viral metagenomics—isang pamamaraan na tumutukoy sa lahat ng virus sa isang sampol—sinuri nila ang virome (kabuuan ng mga virus) sa loob ng mga lamok. 

 

Natuklasan sa kanilang pananaliksik na ang mga lamok ay nagtataglay ng mga virus mula sa 12 magkakaibang taxon group. Karamihan sa mga ito ay mga insect-specific virus (ISV). Pareho ring taglay ng A. aegypti at A. albopictus ang malaking bahagi ng mga natukoy na virus. 

 

Nangolekta ang mga molecular biologist ng mga sampol ng lamok mula sa tatlong barangay sa Los Baños, Laguna: ang Bagong Silang, Lalakay, at Bayog. Ang Bagong Silang ang upstream (bundok) na site, na matatagpuan 305–331 metro sa itaas ng antas ng dagat (asl), at may maburol na tanawin (rolling landscape). Ang Lalakay naman ang midstream na site—na nailalarawan sa pagkakaroon ng maburol hanggang sa medyo hindi pantay na lupain. Ang Bayog, na siyang tabing-lawa na site (lakeshore site), ay may patag na lupain. 

 

“Batay sa mga land cover map, napanatili ng Bagong Silang ang forest cover nito sa nakalipas na apat na dekada hanggang sa petsa ng pag-aaral. Sa kaparehong panahon, kapwa sumailalim ang Lalakay at Bayog sa konbersiyon mula sa pagiging agrikultural patungo sa mga built-up area (mga may estruktura at pamayanan),” pagbabahagi nila. 

 

Ipinakita rito sa pag-aaral na mas maraming uri ng virus ang natagpuan sa mga lugar na nabago na ng aktibidad ng tao—tulad ng mga urbanisado o nakalbong lupa, gaya ng mga Barangay Lalakay at Bayog—kumpara sa kagubatan ng Bagong Silang. “Ang mga lamok na ito ay kadalasang matatag sa mga pagbabago sa kapaligiran (disturbance-resilient), at mas mabisang host para sa iba’t ibang uri o strain ng virus,” dagdag pa ng mga molecular biologist. Kapansin-pansin na hindi nakita ng pangkat ang mga virus ng dengue, Zika, o chikungunya sa mga sampol. Gayunpaman, natuklasan na ang mga lamok mula sa dalawang barangay ay nagtataglay ng Cell Fusing Agent Virus (CFAV). Ang CFAV ay pinaniniwalaang pumipigil sa pagdami ng mga virus ng Dengue at Zika.

 

“Ang potensyal na panganib ng mga umuusbong at posibleng hindi pa kilalang banta ng arbovirus ay nangangailangan ng mas pinalakas na mga programa sa pagsubaybay (surveillance) at advanced na pananaliksik sa mga arboviral disease—mga sakit na naililipat ng mga insekto tulad ng lamok,” ayon sa kanila. Binigyang-diin din nila na ang mga programa sa pagsubaybay sa arbovirus ay mahalaga sa kalusugan ng publiko, dahil binabantayan ang aktibidad ng mga lokal (endemic) at umuusbong na virus sa real-time upang makatulong sa pamamahala ng mga outbreak. Ang ganitong pagsubaybay ay maaaring mapahusay sa pamamagitan ng mga teknik ng next-generation sequencing, kabilang ang virome sequencing.

 

Nabanggit din ng mga molecular biologist na ang mga lamok ay maaaring magsilbing mahalagang biyolohikal na target para sa mga programa sa pagsubaybay sa mga sakit na zoonotic at arboviral. “Ang mga lamok ay kumikilos na parang mga biyolohikal na heringgilya (biological syringes) na sumisipsip ng dugo sa iba’t ibang uri ng host,” itinala ng pangkat. “Dahil dito, maaari silang magbigay ng mahahalagang kaalaman ukol sa pagkakaiba-iba ng virus sa iba’t ibang espasyo, panahon, at uri ng hayop (species).”

 

Ang kanilang pag-aaral na pinamagatang “Virome sequencing and analysis of Aedes aegypti and Aedes albopictus from ecologically different sites in the Philippines” ay nailathala sa Parasites & Vectors. Ang internasyonal na journal na ito ay nakatuon sa lahat ng aspeto ng biyolohiya ng mga parasitiko, mga sakit na parasitiko, mga intermediate host, vectors, at mga pathogen na dala ng vector. Ang kanilang gawa ay sinuportahan ng Department of Science and Technology–Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) at ng UPD Office of the Vice Chancellor for Research and Development. 

 

Sanggunian
Asin, I. C., Egana, J. M., Paul, R. E., & Bautista, M. A. (2025). Virome sequencing and analysis of Aedes aegypti and Aedes albopictus from ecologically different sites in the Philippines. Parasites & Vectors, 18(1). https://doi.org/10.1186/s13071-025-07073-7

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.