Response on behalf of the BS Graduates
Maganda’t mabuting araw sa inyong lahat! Ako si Sean Brendan, mula sa Pambansang Linangan ng Pisika.
Tuwing iniisip ko kung bakit ba ‘ko nandito sa pisika’t agham, palagi akong walang depinitibong sagot. No’ng bata ako pinangarap ko maging astronot. ‘Di ko alam. Baka dahil ang astig ng kanilang damit, tapos sasakay sa ispeyship. Ang lupit din tingnan ng mga kemistri-kemistri. Pati ‘yang mga daynosor na ‘yan. Palaging paiba-iba ang gusto ko.
Bilang mga siyentista ng hinaharap, na minsa’y sinilaw rin ng mga bitwin, numero, palaka, o kung anumang dahilan kung bakit tinahak ang daang siyensya, kahit sa’n pa man tayo dalhin ng ating pagtuklas, alam nating madaling malunod sa angking ganda nito—sa sarap ng pakiramdam tuwing nakaka-solb tayo ng ekweysyon, sa pagpaypet ng kemikal, sa pagdila ng bato, o maging sa pakiramdam na, …, basta, “ang kul pakinggan”. Pero minsan, malungkot. Totoo ang mga nararamdaman nating kalungkutan sa “‘di tayo napili”, “‘di tayo nanalo”, “‘di tayo nakapasa kasi mababa ang gan’to”. “Kapag ba nagpatuloy ako sa
siyensya, magiging matagumpay pa ba ‘ko kung ngayon palang, ‘di na ‘ko magaling?”
Kadalasang ikinakabit ng mga pamantayang internasyual ang tagumpay sa agham sa ating h-index, o kung anumang iskolarling batayan sa bilang ng ating mga nailathala, kung ilang beses ito isinipi, at iba pa. Ang iba nama’y ikinakabit ang tagumpay sa kung ga’no kataas ang ating makakamit, sa rekognisyon at kasikatan na makukuha natin sa akademikong komunidad mula sa pagtuklas ng mga bagong resulta o pagbuo ng mga abstraktong teorya. Ang iba pa’y ikinakabit ang tagumpay sa kung ga’no kalayo ang ating mararating, kung ga’no kalaki’t maimpluwensiya ang mga prestihiyosong institusyong akademiko o industriyal ang ating mapupuntahan. Maraming pagsasalarawan sa iba’t ibang puntong pibotal na sumusukat sa kung ga’no tayo katagumpay sa ating mga larangan. Kung ngayon sa mga linangan, mga grado, sa akademya’t industriya, marami pang metrikong ginagamit para sukatin tayo. Bagamat nagagamit ito sa pagsukat ng kasanayan, pananagutan, pagpuna, pagdedesisyon, at pagpapabuti, ang mga ito rin ay nagiging kawnterproduktib.
Sa ganitong kapaligiran, ang presyur na umayon ay maaaring nakapaghihina sa pagkamalikhain. Ang mismong diwa ng siyentipikong pagdiskubre—ang pagsasaliksik at paghahamon sa istatus kwo—ay napahihina ng walang tigil na paghahabol sa mga paborableng sukatan. Gayunpaman, maging sa harap nitong mga mahihirap at ‘di magagandang realidad sa mundo ng agham na nagdudulot ng malawakang kumpetisyon sa trabaho at paghina ng produktibong gawa—sa mukha ng krisis sa edukasyon, limitadong akses sa impormasyon, kakulangan sa pondo, at sa kadiliman ng klimang pulitikal—hindi pa rin dapat na kalimutan ang mga mamamayan.
Habang nauunawaan natin na ang mga pananaliksik ay may kanya-kanyang kalakasan, sakop, at limitasyon—may direktang impak man sa mga komunidad at napapanahong isyu, o wala dahil ito’y abstrak at wala pa masyadong nakaiintindi—nais kong ipaalala sa lahat na ang ating pananaliksik, ang kabuuan ng ating trabaho, ay hindi umiiral isang bakyum. Ito’y isang intigral na bahagi ng mas malawak pang ekosistemang kinabibilangan din ng mga taong sumusuporta sa ating pananaliksik at ng publiko na ang buhay ay nais nating pagbutihin no’ng una pa lamang. Kaya kahit ano pa man ang sabihin ng mga
sukatan tungkol sa kakayahan at tagumpay natin, h’wag nating hayaan na magtabon ito sa tunay na pagkamalikhain, sa tunay na paghahangad ng kaalaman, at syempre sa integridad ng agham, dahil ang bayan ay nakasandal sa atin.
At habang naiintindihan din naman natin na ‘di makapagbubuhos ang walang laman na bukal—na tayo ri’y napapagod, nauubos, nalulubog sa kahirapa’t, nawawala ang pangarap para sa mamamayan dahil sa minsang pangangailangang unahin ang sarili—nais ko ring ipaalala na ang ating pagpupunyagi ay magkakaroon pa rin ng mas malalim na kahulugan. Kapag sumikat na muli sa wakas ang araw sa napakatagal at napakadilim nating gabi, makababalik din tayo sa pagpapanday ng landas para sa mga susunod na henerasyon.
At ‘di rin dapat natatapos ang siyensya sa papel at pagsasaayos ng mga metriko. ‘Di rin sa pagbuo ng mga aplikasyon nito.
H’wag tayong magtapos sa pagtutok lamang sa ating mga pag-uusap sa isa’t isa rito, sa pagbabahagi sa mga kapwa lamang na siyentista sa mga kumperensya’t kumbensyon, kundi iparating din natin ang ating mga natutuklasan sa mga lente ng mga nararanasang realidad na nakaaantig sa mga tao. Hindi sapat na alam lamang natin na ang ating ginagawa ay para sa tao, para sa bayan, naiuugnay din dapat natin ito sa adbokasiya’t aktibismo. Dapat naisasalin din natin ang mga kumpleksiting ito sa mga malilinaw at makabuluhang naratibong akesibol para sa mga bata, sa mga matatanda, sa mga taong nasa ibang larangan, sa mga taong may limitadong kakayahan, maging sa mga taong kinaaayawan—para sa lahat—dahil ang ating agham ay ang ating pagmamahal, at ang ating pagmamahal ay mapagbuklod at mapagpalaya.
Iparinig at iparamdam natin ang ating agham.