Kasaysayan ng mga extreme wave events natukoy dahil sa mga sinaunang dambuhalang bato sa baybayin ng Ilocos Norte

Published: February 9, 2026
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Dr. Eizadora T. Yu

Malawak na tanawin ng mga boulder. (Photo credit: Tubalado et. al., 2026)

Nakita mo na ba ang mga malalaking tipak ng bato, ang ilan ay kasinglaki ng malaking trak, na nakakalat sa mabatong baybayin ng Pasuquin, Ilocos Norte? Ang mga dambuhalang bato ay makikitang nakapatong sa taas ng nakaangat na reef platform na malayo sa dagat. Pinapaniwalaan na ang mga ito ay bahagi or piraso ng isang sinaunang bahurang koral (ancient coral reef) na napunit at naihagis papaloob ng lupa, dala ng matitinding alon.

 

Ang kakaibang tanawing ito ang umantig sa kuryosidad ng mga geologist mula sa National Institute of Geological Sciences (NIGS), College of Science, University of the Philippines Diliman (UPD-CS). Sina Edrian Tubalado, Dr. Noelynna Ramos, Lyndon Nawanao Jr., Ace Matthew Cantillep, Alec Benjamin Ramirez, at Jelian Reyes ng Geomorphology and Active Tectonics Research (GEAR) Laboratory ng NIGS, kasama sina Dr. Kathrine Maxwell ng Leibniz Centre for Tropical Marine Research sa Germany, Dr. Shou-Yeh Gong ng National Museum of Natural Science sa Taiwan, Dr. Tsai-Luen Yu ng National Academy of Marine Research sa Taiwan, at Dr. Chuan-Chou Shen ng National Taiwan University, ay nagsuri ng 198 na malalaking carbonate boulders sa Barangay Davila at Dilavo sa Pasuquin, Ilocos Norte.

 

“Ang mga bato ay pangunahing binubuo ng mga fossil corals at maaaring tawaging mga coastal carbonate boulders,” paliwanag ni Tubalado. “Sinukat namin ang laki, bigat, at lokasyon ng mga ito, at gumamit ng mga specialized dating techniques upang matukoy ang edad ng mga coral components. Ipinapakita ng edad ng mga ito kung kailan naiangat at nailipat ang mga batong koral mula sa tubig-dagat patungo sa baybayin.”

 

Coral component ng isang boulder. (Photo credit: Tubalado et. al., 2026)

Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga bato, nagawa ng grupo na buuin muli ang kasaysayan ng mga nagdaang matitinding alon o extreme wave events.  Ang malakas na alon na tulad ng tsunami o  dulot ng matitinding bagyo na tumama sa Pasuquin ay may kakayahang maglipat ng malalaking bato at magbago ng anyo ng baybayin. Kaya din tantyahin kung kailan nangyari at gaano kalakas ang mga wave events na ito. Makakatulong din ang impormasyong ito sa paghahanda ng mga pamayanang nasa baybayin para sa mga possibleng pangyayari sa hinaharap.

 

Nagbibigay ang mga coastal boulders ng pangmatagalang tala ng mga matitinding wave events. “Hindi tulad ng buhangin o mas maliliit na bato na madaling maanod muli ng mas mahihinang alon, nananatili ang mga dambuhalang batong sa kanilang kinalalagyan kapag naideposito na, maliban na lamang kung may isa pang pambihira at napakatinding alon na muling maglilipat sa kanila. Ibig sabihin, may potensiyal ang mga batong ito na mapreserba ang ebidensiya ng mga matitinding pangyayari sa loob ng daan-daan o libu-libong taon,” paliwanag ni Tubalado.

 

Ipinapakita rin ng laki at bigat ng mga bato kung gaano kalakas ang mga alon para mailipat ang mga ito, gaya ng batong may bigat na 31 tonelada na naitala sa kanilang pag-aaral. Sa mga bansang tulad ng Pilipinas, kung saan ang mga nakasulat na talaan ay sumasaklaw lamang ng ilang siglo, nakatutulong ang mga batong tulad nito upang punan ang mga puwang sa kasaysayan, at magbigay ng mas mahabang pananaw hinggil sa mga panganib sa baybayin.

 

Tumutulong din ang pag-aaral na ito sa pagtukoy ng mga pinakamasamang posibleng senaryo, sa pamamagitan ng pagkilala sa mga nagdaang extreme wave events, at sa gayon ay nagbibigay sa mga komunidad ng mga pagtatayang nakabatay sa ebidensiya hinggil sa posibleng taas ng matitinding alon. Sa Pasuquin, umaabot hanggang humigit-kumulang apat na metro o higit pa ang taas ng alon sa mga pinakamatitinding kaso. Ang pag-unawa na ang baybayin ay ilang ulit nang tinamaan ng matitinding alon ay magbibigay-daan sa mga lokal na pamahalaan at komunidad na paghusayin ang paghahanda sa panganib sa pamamagitan ng angkop na mga plano sa paglikas, mga pamantayan sa pagtatayo, at mas matatag na imprastrakturang baybayin.

 

“Ipinakita ng aming spatial analysis na may ilang lugar na mas prone sa pagde-deposito ng mga bato at pinsala. Halimbawa, ang mga lugar na may mga embayment, o mga coastal indentations, at mas matarik na nearshore slopes ay nakaranas ng mas matinding enerhiya ng alon. Nakakatulong ito sa pagtukoy kung aling mga lugar ang may pinakamalaking panganib,” dagdag ni Tubalado. “Habang posibleng pinapalakas ng climate change ang tindi ng mga tropikal na bagyo, lalo pang nagiging mahalaga ang pag-unawa sa historikal na baseline ng mga matitinding wave events para sa pagtataya ng mga panganib sa hinaharap at pagkakaroon ng angkop na kahandaan ng mga pamayanang nasa baybayin.”

 

Ang kanilang pag-aaral, na pinamagatang “Extreme wave events inferred from large subaerial carbonate boulders on a rocky coast in Pasuquin, Ilocos Norte, Philippines,” ay nalathala sa Marine Geology, isang journal na nakatuon sa mga prosesong heolohikal sa karagatan. Ang pananaliksik ay bahagyang sinuportahan ng proyektong pinondohan ng DOST (Blg. 4233), “Investigation and Numerical Modeling of Philippine Tsunamis Based on Historical, Geomorphological, and Geological Evidence of Past Earthquakes.” Ang pagpepetsa ng mga fossil na koral sa High-Precision Mass Spectrometry and Environment Change (HISPEC) Laboratory ng National Taiwan University ay sinuportahan ng NSTC (111-2116-M-002-022-MY3, 113-2926-I-002-510-G para sa CCS), Higher Education Sprout Project ng Ministry of Education, Taiwan, ROC (112L894202 para sa CCS), at National Taiwan University Core Consortiums Project (113L891902 para sa CCS).

 

References:

Tubalado, E. M., Ramos, N. T., Nawanao, L. P., Cantillep, A. M., Ramirez, A. B., Reyes, J. S., Maxwell, K. V., Gong, S., Yu, T., & Shen, C. (2026). Extreme wave events inferred from large subaerial carbonate boulders on a rocky coast in Pasuquin, Ilocos Norte, Philippines. Marine Geology, 493, 107704. https://doi.org/10.1016/j.margeo.2026.107704

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.