Ipinagdiwang ng UP at PEF ang Pambihirang Tagumpay sa Pag-aaral ng Genomics ng Agila ng Pilipinas

Published: November 6, 2026
By: Eunice Jean Patron
Translated by: Mary Ann Corrales

Nagdaos ang University of the Philippines (UP) Office of the President ng isang hapunan upang ipagdiwang ang matagumpay na pagtutulungan ng UP at Philippine Eagle Foundation (PEF) sa pag-aaral tungkol sa Agila ng Pilipinas. Pinangunahan ang pag-aaral na ito ni Dr. Cynthia Saloma ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng UP Diliman College of Science (UPD-CS NIMBB).

 

Isinagawa ni Dr. Saloma ang pananaliksik kasama ang mga pangunahing may-akda na sina Franchesca Pascual at Dhan Mikhail Perdon, na kapwa mula sa NIMBB; sina Francis Tablizo, John Michael Egana, Renato Jacinto Mantaring, Carlo Lapid, Kris Punayan, Shiela Mae Araiza, Jo-Hannah Llames, at Ma. Celeste Abad ng Philippine Genome Center (PGC); si Dr. Jayson Ibañez ng PEF; at si Dr. Juan Carlos Gonzalez ng UP Los Baños. Bukod sa pagbuo ng isang de-kalidad na paunang bersiyon ng genome ng Agila ng Pilipinas, ginamit din ng mga siyentipiko ang genomic data upang matukoy ang mahahalagang impormasyong makatutulong sa konserbasyon ng species na ito.

 

Nagdaos ang UP Office of the President ng hapunan upang ipagdiwang ang matagumpay na pagtutulungan ng UP at PEF sa pag-aaral tungkol sa Agila ng Pilipinas. (Kredito sa larawan: Eunice Jean C. Patron)

Dumalo sa hapunang ginanap noong Oktubre 2, 2026, sa Executive House sa UP Diliman sina Dr. Saloma at Dr. Ibañez, ang mga mananaliksik na lumahok sa pag-aaral tungkol sa Agila ng Pilipinas, at mga opisyal ng unibersidad. Kabilang sa mga ito sina UP President Atty. Angelo Jimenez, UP Vice President for Research and Innovation Dr. Joel Joseph Marciano Jr., PGC Executive Director Dr. Windell Rivera, at UP Mindanao Chancellor Dr. Lyre Anni Murao.

 

Iniulat din sa isa pang artikulo na napakababa ng genetic diversity ng Agila ng Pilipinas, na nangangahulugang kakaunti lamang ang pagkakaiba-iba ng genetic makeup ng mga indibidwal nito. Sa hapunang idinaos bilang pagdiriwang, naglahad si Dr. Saloma ng mga ebidensiyang nagpapakita ng mas mataas na genetic diversity at mas mababang antas ng inbreeding sa mga agilang pinarami sa pagkabihag sa ilalim ng programa ng PEF. Ipinakikita ng mga natuklasang ito ang tagumpay ng captive breeding program ng PEF, gayundin ang delikadong kalagayang genetic ng mga Agila ng Pilipinas na nabubuhay sa ligaw.

 

“Malaki ang naiaambag ng mga natatanging resulta ng pag-aaral na ito sa larangan ng biodiversity genomics sa Pilipinas. Nagbibigay ang ating pananaliksik ng isang pangunahing huwaran kung paano magagamit ang genomics sa pag-aaral at pangangalaga sa marami pang ibang organismo,” pahayag ni Dr. Saloma sa kanyang presentasyon.

“Makakatulong ang batayang kaalamang nalikha natin sa pag-aaral na ito upang mapangalagaan hindi lamang ang Agila ng Pilipinas kundi pati ang iba pang nanganganib na species sa kapuluan ng Pilipinas. Umaasa kaming mahikayat ang iba pang mga Pilipinong mananaliksik at institusyon na pag-aralan ang molecular data ng mga katutubong species sa rehiyong ito.”

 

Naglahad si Dr. Saloma ng mga ebidensiyang nagpapakita ng mas mataas na genetic diversity at mas mababang antas ng inbreeding sa mga agilang pinarami sa pagkabihag sa ilalim ng programa ng PEF. (Kredito sa larawan: Eunice Jean C. Patron)

Ipinaliwanag ni President Jimenez na ipinakikita ng mga ganitong gawain kung paano nakatutulong ang pakikipagtulungan sa iba pang mga institusyon sa pagsusulong ng agham at maging sa pagpapaunlad ng ekonomiya.

 

“Kailangang magsalita ang agham at ang mga siyentipiko sa panahong ito. Kailangan nating magsalita nang buong lakas dahil sabik na sabik ang bansa na marinig ang ating tinig. Sa kasagsagan ng krisis, tila isang usang natulala sa liwanag ng paparating na sasakyan ang pamahalaan. Sunod-sunod ang mga tawag mula sa mga tanggapan ng pamahalaan na humihingi ng tulong sa mga siyentipiko. Sa panahon ng krisis, higit nila tayong kailangan,” pahayag niya.

“Ikinagagalak ko ring ibahagi na ang kaalamang nalikha mula sa pananaliksik na ito, kasama ng marami pang ibang pag-aaral, ay nagsisilbi na ngayong gabay sa pinakabagong 10-Year Species Action Plan for the Philippines. Sa yugtong ito ng programa sa konserbasyon, interesado ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na malaman ang pinagmulan o bloodline ng bawat agilang nahuhuli natin sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas. Naniniwala kaming isa itong napakapositibong pag-unlad,” dagdag ni Dr. Ibañez.

 

Para sa mga kahilingan sa panayam at iba pang katanungan, mangyaring makipag-ugnayan sa media@science.upd.edu.ph.