Bagong Pag-aaral: Natuklasang May Nakababahalang Mababang Genetic Diversity ang Haring Ibon
Published: June 26, 2026
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Mary Ann Corrales
Ang Haring Ibon (Philippine eagle), na pambansang ibon ng Pilipinas, ay isa sa pinakamalalaki at pinakamakapangyarihang agila sa buong mundo. Dahil madali silang maapektuhan ng pagkasira at pagkakawatak-watak ng kanilang tirahan (habitat destruction and fragmentation), kasalukuyan itong nakatala bilang Critically Endangered sa International Union for Conservation of Nature. Dahil dito, itinuturing ito bilang isa sa mga pinakananganganib na ibon sa buong daigdig. Upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang lahi, mahigit 30 taon nang nagsasagawa ang mga siyentipiko ng programang captive breeding sa mga protektadong pasilidad bilang bahagi ng mga gawaing pang-konserbasyon.
Upang suriin ang DNA ng 35 Haring Ibon na nasa ilalim ng pangangalaga ng Philippine Eagle Foundation (PEF), nakipagtulungan ang isang pangkat ng mga eksperto sa pamumuno ni Dr. Cynthia Saloma ng University of the Philippines – Diliman College of Science’s National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (UPD-CS NIMBB). Kasama niya sa pag-aaral sina Dhan Mikhail Perdon, Franchesca Pascual, Francis Tablizo, Carlo Lapid, John Michael Egana, Renato Jacinto Mantaring, Kris Punayan, Shiela Mae Araiza, Jo-Hannah Llames, at Ma. Celeste Abad mula sa Philippine Genome Center; Dr. Juan Carlos Gonzalez ng UP Los Baños; at Dr. Jayson Ibañez ng PEF.
Layunin ng pangkat na makabuo ng isang draft genome ng Haring Ibon na magsisilbing gabay sa mga gawaing pang-konserbasyon. Sa tulong ng PEF, isinailalim nila sa DNA sequencing ang mga agilang inaalagaan sa Davao City. “Ang genome ay ang kumpletong hanay ng mga gene ng isang buhay na organismo,” paliwanag ng mga siyentipiko. “Mula sa mga nakuhang DNA sequences, nagawa naming buuin ang isang kinatawang genome (representative genome) para sa species na ito.”
Sa kanilang pag-aaral, iniulat ang isang bagong natuklasan: napakababa ng genetic diversity ng Haring Ibon. Ibig sabihin, mataas ang pagkakahawig ng mga agila sa isa’t isa at halos magkakapareho ang kanilang mga gene. “Ang panganib dito, kapag kulang sa pagkakaiba-iba (variation) ang kanilang katangian, mahihirapan ang mga agila na umangkop sa mga pagbabago. Halimbawa, kung may umusbong na bagong sakit o biglang magbago ang kapaligiran, pare-pareho ang magiging reaksyon at kakayahan ng marami sa kanila—at kung mahina ang kanilang depensa, posibleng maubos ang buong populasyon,” babala ng pangkat.
Binigyang-diin din ng mga mananaliksik na pinatataas nito ang panganib ng inbreeding. Nangyayari ito kapag napipilitang magkapareha ang mga agilang magkakamag-anak dahil sa liit ng kanilang populasyon at dahil watak-watak na ang kanilang tirahan. Sa mga ganitong sitwasyon, mas malaki ang tsansa na maipasa sa mga supling ang mga mapaminsalang katangian o depekto sa gene. Sa paglipas ng panahon, maaari itong magbunga ng mas mababang kakayahang magpakarami (reduced fertility), mahinang immune system, at mga depekto sa pisikal na anyo na lalong nagpapahirap sa kanilang kaligtasan. “Sa madaling salita, ang mababang genetic diversity ay nagiging dahilan upang maging marupok ang Haring Ibon at mas madaling maglaho kapag may mga pagsubok na dumarating,” dagdag pa nila.
Ipinapakita rin sa mga datos na bago pa man nagkaroon ng malawakang pagkasira ng mga kagubatan (deforestation), pababa na talaga ang populasyon ng mga Haring Ibon. Ang isang posibleng dahilan ay ang mga pangmatagalang pagbabago sa kalikasan—tulad ng pagkawala ng mga magkakakonektang tirahan nang tumaas ang antas ng dagat libu-libong taon na ang nakalipas, na nagdulot ng pagkakawatak-watak ng mga dating magkakadikit na kalupaan sa Mindanao. Ang pangyayaring ito ay naging sanhi ng pagkakabukod-bukod ng mga grupo ng agila at nakasira sa katatagan ng kanilang populasyon. Maaari ring ang mga unang aktibidad ng mga tao sa Pilipinas, gaya ng pangangaso o pakikipag-agawan sa mga hayop na kinakain ng agila, ay lalong nagpahirap sa kanilang sitwasyon.
Nilinaw naman ng mga siyentipiko na ang mga ito ay mga hinuha (hypotheses) pa lamang at hindi pa ganap na tiyak. Gayunpaman, nakatutulong ito upang ipaliwanag kung bakit tila mas naunang dumanas ng pagbaba sa populasyon ang mga agila bago pa man ang deforestation, na madalas na itinuturing na pangunahing banta sa kanila ngayon.
“Sa pamamagitan ng paggamit ng pamamaraang nakabatay sa genomics at gabay ng genetics, ang aming pag-aaral ay nagbibigay ng gabay o blueprint upang maprotektahan ang iba pang mga nanganganib na species sa buong kapuluan. Ipinapakita rin nito kung paano magagamit ang makabagong pagsusuri sa DNA at bioinformatics upang mapatibay ang pamamahala sa biodiversity,” saad ng pangkat.
Ang pag-aaral na pinamagatang, “Genomic analysis reveals recent population decline and exceptionally low genome-wide heterozygosity of the critically endangered Philippine eagle, Pithecophaga jefferyi (Aves: Accipitridae),” ay inilathala sa BMC Genomics, isang open access at peer-reviewed na journal na naglalathala ng mga artikulo tungkol sa lahat ng aspeto ng genetics, genomics, at proteomics.
Sanggunian:
Perdon, D. M., Pascual, F., Tablizo, F., Lapid, C., Egana, J. M., Mantaring, R. J., Punayan, K., Araiza, S. M., Llames, J., Abad, M. C., Gonzalez, J. C., Ibañez, J., & Saloma, C. P. (2025). Genomic analysis reveals recent population decline and exceptionally low genome-wide heterozygosity of the critically endangered Philippine eagle, Pithecophaga jefferyi (Aves: Accipitridae). https://doi.org/10.1101/2025.10.27.684716
For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.






