Bird poop to the rescue: Paggamit ng mga dapuan ng ibon sa pag-regenerate ng kagubatan
Published: September 02, 2025
By: Dr. Jelaine L. Gan
Translated by: Dr. Ian Kendrich C. Fontanilla
Karaniwang inuugnay ang mga reforestation activity sa pagtatanim ng mga puno sa mga degraded o nasirang lugar. Gayunpaman, marami pa ring kailangang intindihin sa pagtatanim ng mga puno, mula sa mismong gawain ng pagtatanim hanggang sa sa pag-aalaga ng mga punla, na maaaring magastos at nakasalalay sa suplay ng binhi o buto. Bukod dito, kailangang tanungin din kung tama nga ba ang species ng halaman (katutubong halaman sa halip na hindi katutubo ngunit economically important) na itatanim upang pakinabangan ng biodiversity o saribuhay.
Sa kabutihang palad, may mga built-in na proseso ang mga kagubatan upang maka-regenerate o pagalingin ang kanilang sarili kung hahayaan natin. Maaaring gumana ang reforestation activities kaansabay ng mga natural na sistema sa pagpapabilis ng natural recovery ng mga kagubatan sa pamamagitan ng Assisted Natural Regeneration (ANR). Isang diskarte sa ilalim ng ANR strategy ay nakatuon sa pagtaas ng suplay ng binhi sa mga nasirang lugar.
Simple lamang ang ideya: magdagdag ng mga perch o dapuan ng mga ibon sa mga nasirang lugar malapit sa kagubatan at akitin ang mga ibong kumakain ng mga bunga. Habang nasa dapuan, nagdudumi sila ng mga binhi na magiging bagong kagubatan! Madaling pakinggan, ngunit talaga bang epektibo ito?

Mula sa mga naunang pag-aaral ay may nakitang iba’t ibang resulta sa pagiging epektibo ng mga dapuan sa pagsapit ng binhi at pagtatag ng seedling o punla. May mga resultang nagpapakitang epektibo nga, may iba namang hindi. Upang matuldukan ito, naglayon ang aming international team ng mga siyentipiko, sa pangunguna ni Dr. Jelaine Gan mula sa Institute of Biology – Unibersidad ng Pilipinas, kasama ang mga mananaliksik mula sa UK Universities (Newcastle University, University of St Andrews) at Norwegian Institute for Nature Research, na magsagawa ng isang sistematikong pagsusuri ng mga pag-aaral at pinagsama ang datos mula rito upang makahanap ng konsensus sa pamamagitan ng isang paraan na kung tawagin ay meta-analysis.
Pagkatapos ng ilang buwan ng pangangalap at maingat na pagsusuri, nakahanap kami ng 396 na pag-aaral upang lalo pang kilatisin. Napansin namin ang iba’t ibang uri ng artificial, semi-natural, at natural na mga dapuan (Figure 1 sa ibaba). Ang mga artificial na dapuan (i.e., gawa ng tao) ay kadalasang gawa sa mga tuwid na posteng yari sa kahoy o PVC pipe na may mga horizontal bar at crossbar, habang ang ilan naman ay mga live fence o buhay na bakod (o mga buhay na punong pinagtali ng alambre) at mga tambak na kahoy. Samantala, sinuri rin ang mga natural na dapuan, na may iba’t ibang uri mula sa mga shrub o palumpong, mga puno, tree islands, pati na rin mga batuhan. Ang mga nakakalat na puno sa mga sakahan ay itinuturing ding mga natural na dapuan. Napansin din namin ang mga semi-natural na mga dapuan, na ginawa mula sa mga patay na sanga/snags na itinukod ng iba’t ibang uri ng suporta.

Ang hatol
Lahat ng tatlong uri ng dapuan (natural, artificial, at semi-natural) ay nagdudulot ng makabuluhang positibong epekto ng pagtaas ng bilang ng mga binhi na dumarating sa mga nasirang lugar. Mas maraming binhi mula sa mas maraming species ang natagpuan sa ilalim ng mga dapuan kaysa sa mga control site (i.e., mga lugar na walang dapuan), na nagpapahiwatig ng kanilang pagiging epektibo.
Gayunpaman, hindi sapat na dumating ang mga binhi sa lugar. Kailangan din silang tumubo at maging mga punla. Kung susuriin natin ang epekto ng mga dapuan sa pagtatatag ng punla, ang natural na dapuan lamang ang nakitang may malaking epekto sa density at dami ng uri ng punla. Samakatuwid, ang pagkakaroon ng natural na dapuan ay nagdaragdag hindi lamang ng bilang ng mga punla sa lugar, kundi pati na rin ng pagkakaiba-iba ng mga species ng punla.
Inirerekomenda naming pangalagaan ang mga natural na dapuan, tulad ng mga palumpong at nakakalat na puno sa mga sakahan. Sa mga lugar na kulang ng mga natural na dapuan, kailangang pag-isipang subukan ang paggamit ng mga artificial at semi-natural na dapuan upang madagdagan ang pagsapit ng binhi at sundan ito ng mga karagdagang gawain, tulad ng pag-aayos ng lupa at pagtabas ng damo, upang mapabuti ang pagtatatag ng mga punla.
References:
Comics – Nakipag-partner kami sa Massachusetts College of Art and Design para makabuo ng isang comic book na pinamagatang How Birds Can Help Farms and Forests in Northern Philippines. Maganda ang pagkakagawa ng art ni Jessica Stutman at ito ay binuo kasama si Dr. Caroline Hu. Tingnan ang buong comic dito: https://blogs.ncl.ac.uk/marionpfeifer/2024/07/19/how-birds-can-help-farms-and-forests-in-the-philippines/
Journal article – https://environmentalevidencejournal.biomedcentral.com/articles/10.1186/s13750-025-00363-8
Blog post – https://about.conservationevidence.com/2025/07/23/can-we-use-perches-to-attract-birds-and-increase-seed-dispersal-in-degraded-areas/
For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.