Ang Nakaabang na Krisis:
Kalidad ng Groundwater sa Pilipinas at Kung Bakit Ito Mahalaga

Published: June 11, 2025
By: John Kenneth R. Fraga
Translated by: Dr. Ian Kendrich C. Fontanilla

Sinusukat ng mga kawani ng PGHI Project ang kalidad ng tubig sa ilalim ng lupa gamit ang multimeter sa isa sa mga kagubatang lugar sa Ilocos Sur. (Photo credit: Jacquilyn L. Estrada)

Ang groundwater—tubig na nakatago sa ilalim ng lupa—ay isang likas-yamang hindi nakikita, ngunit tiyak na hindi nalalayo sa isipan ng mga Pilipino. Ang hindi tagong yamang ito ay mahalaga para sa pang-araw-araw na buhay, lalo na sa agrikultura, kung saan ito ang nagbibigay-buhay sa irigasyon. Gayunpaman, habang lumalaki ang ating pangangailangan sa pagkain at lumalalim pa ang naabot natin sa ilalim ng lupa gamit ang teknolohiya, nahaharap sa isang malubhang krisis ang estado ng groundwater dahil sa labis na paggamit nito at kontaminasyon na nangangailangan ng agarang pansin.

 

Sa Pilipinas, lalong pinalalala ang mga problemang ito ng mga natatanging hamon na dulot ng tag-ulan at tag-init panahon sa bansa. Sa matitinding panahon, ang mga run-off mula sa mga sakahan ay maaaring magdala ng mga nakapipinsalang kemikal sa ilalim ng lupa, na nagbabanta sa ecological services na ibinibigay nito, ang biodiversity sa lugar, at ang public health. Sa kasamaang palad, sa kabila ng mga pagsisikap na subaybayan ang water quality, ang buong lawak ng mga problemang ito ay hindi lubos na nauunawaan. Bunsod nito, hindi pa buo ang mga datos na nakakalap at hindi rin pare-pareho ang pagsusuring ginagawa sa buong bansa.

 

Isang pangkat ng mga mananaliksik na pinamumunuan ni Dr. Francis S. Magbanua ng University of the Philippines Diliman College of Science, Institute of Biology (UPD-CS IB), at partners sa proyekto mula sa Ilocos Sur, Benguet, Nueva Ecija, Cebu, at Davao del Norte ay masusing sinusuri ang sitwasyon. Ang kanilang pag-aaral ay nakatuon sa kung paano nag-iiba ang kalidad ng groundwater sa pagitan ng mga agrikultural at magugubat lugar sa nag-iibang panahon. Ang kanilang natuklasan ay kapwa nagbibigay-liwanag at nakababahala.

 

Ipinakita ng pananaliksik na ang paggamit ng lupa (gawing sakahan o panatilihin ang gubat) at ang panahon (tag-ulan o tag-init) ay may malaking epekto sa kalidad ng groundwater, ngunit sa magkaibang paraan. Ang paggamit ng lupain para sa agrikultura ay madalas nagdudulot ng groundwater na mas mainit at mas mayaman sa kemikal ngunit mas mababa rin ang kalidad. Tumataas din ang panganib ng kontaminasyon ng groundwater kapag talamak ang mga gawaing pang-agrikultura. Ang mga magugubat lugar, sa kabilang banda, ay tumutulong sa pagpapanatili ng groundwater na mas malamig, mas malinis, at mas mayaman sa oxygen. Gayunpaman, ang anyo ng lupa—tulad ng mga matatarik na slope—ay maaaring makaapekto sa dami ng organic matter na naiipon sa groundwater.

 

Sa panahon ng tag-ulan, ang pagtaas ng pag-ulan ay tumutulong na palamigin ang groundwater at mapabuti ang antas ng oxygen nito. Pinapataas din nito ang pH habang dinadala ng tubig-ulan ang mga mineral at organic matter sa ilalim ng lupa. Baliktad nito, ang tag-init ay nagdudulot naman ng mas mainit na temperatura ng tubig sa lupa. Bagaman maaaring tumaas antas ng oxygen dahil bumabagal ang daloy ng tubig, ang pangkalahatang kalidad ng groundwater ay maaaring bumaba rin. Ang mas mababang antas naman ng groundwater ay maaaring magdulot ng mas mataas na konsentrasyon ng dissolved ions at iba pang suliranin ukol sa kalidad ng tubig. Sa kabilang banda, natuklasan ng pag-aaral na walang pinagsamang epekto ang paggamit ng lupa at panahon, na nangangahulugang habang ang bawat factor ay may kanya-kanyang epekto sa groundwater, hindi nila pinapaigting ang epekto ng bawat isa.

 

Ngunit kahit tila hindi nakatali sa isa’t isa ang mga epektong ito, malinaw ang mensahe: parehong mahalaga ang paggamit ng lupa at mga pagbabago sa panahon upang maunawaan ang kalagayan ng mga pinagkukunan natin ng groundwater. Halimbawa, ang pagkakaroon ng dissolved organic compounds (DOC) ay maaaring pahiwatig ng mga aktibidad ng tao malapit sa groundwater, ngunit batay sa pag-aaral, nakikita rin ang DOC sa mga magugubat na lugar, na maaaring maging indikasyon ng disturbances dulot ng paggamit ng lupa ng tao.

 

Paghahambing ng mga na-transpormang halaga ng temperatura ng groundwater, pH, DO, EC, at DOC batay sa mga panahon (tagtuyot vs tag-ulan) at gamit ng lupa (pang-agrikultura vs kagubatan) (Photo credit: Velasco et al., 2025)

“Isang limitadong yaman ang groundwater, at ang kalidad nito ay patuloy na bumababa,” babala ng mga mananaliksik. “Ang paglaki ng ating populasyon, pag-unlad ng ekonomiya, at mga pagbabago sa kapaligiran ay lahat nag-aambag sa pressure sa mahalagang yamang ito.” Binibigyang-diin ng pag-aaral na patuloy na lalala ang mga panganib sa public health at biodiversity kung walang isasagawaang komprehensibong pambansang paraan ng pamamahala at pagbabantay ng kalidad ng groundwater.


Ang pag-aaral na ito ay bahagi lamang ng mas malawak na pananaliksik na tinaguriang Philippine Groundwater Health Index (PGHI) Project, na naglalayong mas maunawaan at maprotektahan ang groundwater sa bansa. Pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) at minomonitor ng DOST-Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (PCAARRD), layunin ng proyekto na magbigay ng siyentipikong kaalaman para makabuo ng mga epektibong polisiya upang mapangalagaan ang mahalagang yamang ito. Ang mga mananaliksik ay nangolekta ng tubig mula sa mga balon at bukal sa mga agrikultural at magugubat na lugar sa limang lalawigan: Ilocos Sur, Benguet, Nueva Ecija, Cebu, at Davao del Norte.


Sa huli, binibigyang-diin ng pag-aaral ang isang simple ngunit mahalagang katotohanan: ang malinis at ligtas na groundwater ay kritikal para sa kinabukasan ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng pagkilala sa factors na nakakaapekto sa kalidad ng groundwater at paggawa ng mga hakbang upang protektahan ito, maaari nating matiyak na ang mga susunod na henerasyon ay magkakaroon ng access sa malinis na tubig na kakailanganin tungo sa pag-unlad.


References:

Velasco, A. B., Magbanua, F. S., del Rosario, J. S., Estrada, J. L., Fraga, J. K. R., Mondejar, J. P., Sapitan, J. F. J. F., Geroza, I. P., Tenoc. G. L., & Husana, D. E. M. 2024. Groundwater Quality Variations during Wet and Dry Seasons in Agricultural and Forested Areas in the Philippines. Water Resources, 51(2), 293–305. DOI: 10.1134/S0097807824604849

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.