UPD-CS at Basilan, Naglunsad ng Programang Pagsasanay upang Patatagin ang Edukasyon sa Matematika at Agham

Published: September 29, 2026
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Mary Ann Corrales

Nakatutok ang RISE-BASILAN sa pagpapahusay ng kasanayan ng mga guro sa mga pangunahing aralin sa Agham ng Lupa (Earth Science), Pisika (Physics), Kimika (Chemistry), at Biyolohiya (Biology) sa pamamagitan ng mga pagsasanay na pinangunahan ng mga guro mula sa UPD-CS. (Larawan ni: Dr. Jillian Aira Gabo-Ratio)

Ang mga mag-aaral sa mga lalawigan na malayo at  mahirap ang kalagayang pangkabuhayan sa Pilipinas ay madalas na nahaharap sa mga hamon upang makakuha ng mataas na marka sa mga college entrance exam, lalo na sa agham. Marami sa kanila ang nakatuntong sa senior high school nang may kulang sa batayang kaalaman, sanhi na rin ng limitadong pagkakataon sa patuloy at nakatutok na pagpapaunlad ng propesyon para sa mga guro. Kapag mismo ang mga guro ay nahihirapan sa mga pangunahing konsepto ng agham, nagiging mas mahirap ding patatagin ang pag-unawa at kasanayan sa paglutas ng problema ng mga mag-aaral.

 

Dahil dito, isinagawa ng University of the Philippines College of Science (UPD-CS), sa pakikipagtulungan sa Unibersidad ng Pilipinas, Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan, at mga Schools Division Office ng Basilan at Lamitan, ang Project RISE: Reinforcing Instruction in Mathematics and Science Education in Basilan (RISE-BASILAN) noong Hulyo 20–24, 2026 sa Lungsod ng Lamitan, Basilan. Tinipon ng naturang pagsasanay ang 64 na guro—32 sa Matematika at 32 sa Agham.

 

Layunin ng RISE-BASILAN na patatagin ang kakayahan ng mga guro ng Matematika at Agham sa Senior High School (SHS) sa Basilan. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabagong aralin, mabisang pamamaraan sa pagtuturo, at mga aktuwal na karanasang pampagkatuto upang mapataas ang kalidad ng edukasyon sa Matematika at Agham sa buong lalawigan.

 

“Ang RISE-BASILAN ay nakabatay sa naunang inisyatiba ng College of Science na isinagawa sa Tawi-Tawi noong 2018. Nilalayon ng proyekto na ipagpatuloy ang inisyatibong iyon at panatilihin ang komitment ng UPD-CS na suportahan ang edukasyon sa Matematika at Agham sa mga lugar na higit na nangangailangan ng tulong,” pahayag ng pinuno ng proyekto na si Dr. Jillian Aira Gabo-Ratio.

Pinagsama-sama sa pagsasanay ang 64 na guro, kabilang ang 32 guro sa Matematika at 32 guro sa Agham. (Larawan ni: Dr. Jillian Aira Gabo-Ratio)

Nakatutok ang programa sa pagpapahusay ng kasanayan ng mga guro sa mga pangunahing aralin sa Matematika, Agham ng Lupa, Pisika, Kimika, at Biyolohiya sa pamamagitan ng mga pagsasanay na pinangungunahan ng mga guro mula sa UPD-CS. Binibigyang-diin dito ang konseptuwal na pag-unawa at mga estratehiya sa paglutas ng problema para sa mga paksang pang-agham bago mag-kolehiyo.

 

“Nag-ambag ang Institute of Chemistry ng mga molecular model kit mula sa mga pondong nalikom mula sa mga guro at alumni. Nagkaloob din ang National Institute of Geological Sciences ng mga rock at mineral kit, na ang ilan ay binili ng lokal na pamahalaan ng Basilan habang ang iba naman ay donasyon mula sa making.technology manufacturing. Sa pamamagitan ni dating Dekano Giovanni Tapang at ng making.technology manufacturing, nagkaloob naman ang National Institute of Physics ng mga VISSER (Versatile Instrumentation System for Science Education and Research) kit sa Basilan Schools Division upang mas mabilis at mabisang maipakita ang mga konseptong pang-agham,” ayon kay Dr. Gabo-Ratio.

 

Binibigyang-diin ng RISE-BASILAN ang mahalagang papel ng mga akademikong institusyon, tulad ng UPD-CS, sa pagpapatatag ng kakayahan ng mga guro at sa pagpapatuloy ng mga ganitong pagsasanay sa mga komunidad upang palawakin ang mga oportunidad para sa mga mag-aaral na magtagumpay sa akademya.

 

“Ang RISE-BASILAN ay higit pa sa isang programang pagsasanay — ito ang ating sama-samang komitment na itaas ang kalidad ng edukasyon sa Matematika at Agham sa Basilan. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng lakas at makabagong estratehiya sa ating mga guro, pati na ang pagpapatibay ng ating ugnayan sa Unibersidad ng Pilipinas, sa Pamahalaang Panlalawigan, at iba pang katuwang, namumuhunan tayo sa kinabukasan ng bawat mag-aaral sa Basilan. Sama-sama nating hinuhubog ang isang henerasyon ng mga mag-aaral na may kritikal na pag-iisip, mga imbentor, at mga hinaharap na pinuno,” pahayag ni Dr. Myra Borja Mangkabung, Schools Division Superintendent ng Basilan, sa pambungad na programa habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng pamumuhunan sa mga guro.

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.