UPD Molecular Biologists, Nagbabala sa Tumorigenic Effects ng Vaping

Published: September 7, 2026
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Mary Ann Corrales

Naglabas ng mga bagong ebidensya ang mga siyentipiko mula sa University of the Philippines Diliman (UPD) ukol sa tumorigenic effects ng vaping na nagiging sanhi ng hindi kontroladong pagdami ng mga selula, at iba pang abnormalidad na nakikita sa kanser. Nakatulong ito upang bigyang linaw ang mga ulat kamakailan na nagpapakitang ang usok ng e-cigarettes ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa transcriptome ng respiratory epithelia.

 

Molecular biologists from the UP Diliman College of Science investigate how the use of e-cigarettes may affect cancer-related cellular processes. (Photo credit: Daniel Angelo Mirador)

Inimbestigahan nina Daniel Angelo Mirador, Jose Lorenzo Ferrer, Kim Denyse Hao Lin, at Dr. Reynaldo Garcia ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology, UPD College of Science (UPD-CS NIMBB) kung paano naaapektuhan ng paggamit ng vape ang mga proseso ng selula na may kaugnayan sa kanser. Tumutok ang kanilang pag-aaral sa isang molekula na tinawag nilang vape-associated lncRNA transcript 1 (VALT1). Natuklasang mataas ang lebel nito sa mga gumagamit ng vape at sa ilang bukol ng kanser sa baga, kaya’t sinuri nila ang pagkilos nito sa mga selula ng tao na direktang nausukan ng e-cigarettes.

 

“Sa isang naunang pag-aaral na inilathala namin sa Scientific Reports, iniulat namin na ang long non-coding RNA na tinatawag na smoke- and cancer-associated lncRNA transcript 1 (SCAL1) ay nagpapanatiling buhay sa mga selula ng kanser na nasira na ang DNA dahil sa usok ng sigarilyo. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pag-alis ng reactive oxygen species (ROS) sa mga selula na maaari sanang humantong sa pagkamatay ng mga ito. Lumilikha ito ng kabalintunaan: sa halip na mamatay, ang mga nasirang selula ay nananatili, na maaaring mag-udyok sa pagbuo ng kanser—isang uri ng double jeopardy,” paliwanag ni Dr. Garcia. “Ang naging motibasyon para sa pag-aaral na ito ay upang itanong kung may kaparehong mekanismo rin bang nangyayari sa vaping: ang pagkalantad ba sa vape ay nakapagpapasimula ng mga pagbabago sa selula na, tulad ng usok ng sigarilyo, ay nagpapahintulot sa mga nasirang selula na mabuhay?”

 

Ipinakita ng pangkat ng mga molecular biologist na ang pagkalantad sa mga kemikal ng vape ay nagpapataas ng lebel ng VALT1 at sabay na nagpapalakas sa cell proliferation (mabilis na pagdami ng selula), resistensya sa nakatadhanang pagkamatay ng selula (programmed cell death), cell migration, pag-alis ng lason ng ROS (ROS detoxification), cytoskeletal disorganization, at nuclear remodeling—ang mga mismong katangiang nakikita sa mga selulang nagiging bukol, kung saan ang ilan ay kanser (tumorigenic cells). Nilinaw rin na ang sobrang pagdami ng VALT1 ay maaaring magdulot ng mga epektong ito kahit walang pagkalantad sa vape. Bukod dito, kayang itaguyod ng VALT1 ang pananatiling buhay ng mga selula sa ilalim ng cytotoxic stress, tulad ng lung cancer cell line A549, ngunit hindi sa normal na katapat nitong selula.

 

“Nagbibigay ito ng ebidensya na ang vaping ay hindi ligtas, at ang mga mapanganib na epekto nito ay napapatindi pa ng pagtaas ng lebel ng VALT1. Ang ating mga selula ay nagkakaroon ng mga katangiang tumorigenic kapag na-expose sa mga e-cigarette,” sabi ni Mirador. “Bukod sa mga implikasyon nito sa kalusugan, ang imbestigasyong ito ay nag-aambag din sa ating kaalaman sa biyolohiya ng non-coding RNA. Ang pag-aaral ng mga non-coding RNA ay bago pa lamang. Dati ay itinuturing lamang silang mga walang silbi o ‘junk’, ngunit ngayon ay napatunayang may mahahalagang papel sa parehong normal na pisyolohiya ng selula at pag-usbong ng sakit,” dagdag pa niya.

 

Bagamat mas kakaunti ang kemikal na taglay ng mga e-cigarette, inuugnay pa rin ang mga ito sa malubhang sakit sa baga at pinsala sa puso. Binigyang-diin ng pangkat na maaaring umabot ng ilang dekada bago ganap na maunawaan ang mga pangmatagalang epekto ng e-cigarette, kabilang ang kung nagdudulot ba ang mga ito ng kanser. Ang pagbuo ng kanser sa baga (lung oncogenesis) ay nangangailangan ng mahabang panahon bago lumabas ang mga sintomas, samantalang ang vaping ay bago pa lamang nauso. Nananatili ring limitado ang mga pag-aaral sa epekto ng vaping sa normal na pisyolohiya ng ating mga selula at sa transcriptome ng mga ito, na nagpapakita ng pangangailangan para sa higit pang masusing pag-aaral upang makabuo ng mas matibay na siyentipikong batayan.

 

Ang kanilang pananaliksik, “Vape-Associated lncRNA Transcript 1 (VALT1) Amplifies the Tumorigenic Effects of e-Cigarette Vapor in Lung Epithelial Cells,” ay inilathala sa Non-Coding RNA, isang internasyonal, peer-reviewed, at open-access na journal para sa pananaliksik sa non-coding RNA na tumututok sa paglilinaw ng istruktura, tungkulin, at biyolohiya ng mga regulatory non-coding RNA.

 

References:

Mirador, D. A., Ferrer, J. L., Lin, K. D., & Garcia, R. L. (2026). Vape-associated lncRNA transcript 1 (VALT1) amplifies the tumorigenic effects of e-cigarette vapor in lung epithelial cells. Non-Coding RNA, 12(2), 10. https://doi.org/10.3390/ncrna12020010

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.