Pagpapabuti ng Pangangalagang Pangkalusugan: Paano Itinatag ng Isang Alumna ng UP ang Kumpanya ng Health Tech

Published: July 31, 2026
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Mary Ann Corrales

CP Health Innovations Inc. is a Philippine health tech company focused on solving real operational challenges in healthcare. (Photo credit: CP Health Innovations Inc.)

Hindi lamang mga laboratoryo ang palaruan ng mga siyentipiko—maaari rin nilang gawing makabagong solusyon ang kanilang mga karanasan upang direktang makatulong sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran. Mula sa kanyang pagtatrabaho sa isang pampublikong ospital, personal na nakita ni Mikee Chua ang mga kakulangan sa sistema ng pagpapatakbo na kinakaharap ng mga tagapangalaga. 

 

Ito ang nagtulak sa kanya upang katuwang na itatag ang CP Health Innovations noong 2019 at binuo ang CareGo Health Suite, isang platform na nagpapadali sa mga pagpapatakbo ng klinika upang mas maraming oras ang mailaan ng mga doktor at nurse sa pag-aasikaso ng mga pasyente. Mula noon, nakikipagtulungan na sila sa mga lokal na pamahalaan at mga yunit ng pangangalagang pangkalusugan. 

 

“Naaalala ko pa noong kailangan naming gumawa ng aming business planning [para sa isang undergraduate project] at maghanda para sa mga pitch—talagang mabibigat na panahon ang mga iyon. Kung lilingunin ko, hindi ko naisip noon na mapupunta ako sa linyang ito. Sa tingin ko, doon din nagsimula ang interes ko sa pagtatayo ng isang negosyo,” ani Chua, habang binibigyang-diin ang kanyang paniniwala na ang bawat isa ay may potensyal na maging tagapagtatag (founder). 

 

Ibinahagi ni Chua na matapos siyang makapagtapos sa University of the Philippines – Diliman College of Science’s National Institute of Molecular Biology and Biotechnology  (UPD-CS NIMBB), nagtrabaho siya sa mga laboratoryo. Ang kanyang paglipat mula sa paggawa ng mga eksperimento araw-araw patungo sa pagiging tagapagtatag ng health tech ay nagpapakita na ang inobasyon ay maaaring magmula kahit saan—lalo pa’t hindi niya kailanman naisip na tatahakin ang ganitong landas. 

 

Sa nagdaang “Innovation Impact Stories: A Webinar Series on the Societal Impacts of Science Innovation” ng UPD-CS Innovation Program na ginanap noong nakaraang Abril 22, 2026, tinalakay ni Chua kung paano maisasalin ang siyentipikong pag-iisip tungo sa mga solusyong pang-sistema (systems-level solutions). 

 

Ang Innovation Impact Stories ay isang serye ng webinar na nagpapakita kung paano nagdadala ng tunay na epekto sa mundo ang agham, teknolohiya, at inobasyon. Itinatampok ng proyektong ito ang mga paglalakbay, hamon, at tagumpay sa likod ng mga inobasyong nakabatay sa pananaliksik na nag-ambag nang makabuluhan sa iba’t ibang larangan. Layunin nitong magbigay ng kaalaman at magsilbing inspirasyon sa mga mag-aaral, mananaliksik, at guro upang itaguyod ang isang kultura ng makabuluhan at nagtutulungang inobasyon na nag-uugnay sa teoryang akademiko at praktikal na aplikasyon. 

 

Para sa mga katanungan tungkol sa Innovation Impact Stories, mangyaring magpadala ng mensahe sa cs.innovation_committee@science.upd.edu.ph. 

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.