UP Chemist Co-Develops First Filipino Air Monitor
Published: July 23, 2026
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Yasmin Edañol, M.Sc.
pagsubaybay sa kalidad ng hangin upang maunawaan ang mga epekto ng polusyon sa hangin sa kalusugan at masubaybayan ang mga pagsisikap na mabawasan ito.
Sa pagsasanib ng siyentipikong pananaliksik at inhinyeriya sa pag-aaral ng kalidad ng hangin, nakatulong si Dr. Len Herald Lim ng Institute of Chemistry (IC) ng College of Science (CS), University of the Philippines Diliman (UPD), sa pagbuo ng Robust Optical Aerosol Monitor (ROAM). Ang ROAM ang kauna-unahang kagamitang pangmonitor ng kalidad ng hangin na gawa ng mga Pilipino, noong 2014.
Ang kahusayan ng ROAM ay maihahambing sa mga makabagong kagamitang pangmonitor ng aerosol na ginagamit sa industriya at ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB). Nakipagtulungan si Dr. Lim kay Engr. Paul Alexander Darvin ng Department of Electrical Engineering ng UP Los Baños sa proyektong ito, na nagsimula bilang isang simpleng ideya para sa pagsukat ng kalidad ng hangin at kalauna’y naging isang mahalagang makabagong teknolohiya.
“Sa isang banda, ang ROAM ay parang microscope para sa hangin. Kung nakagamit ka na ng microscope dati, gaya ng pagbibilang ng mga cell sa ilalim nito, halos ganoon din ang prinsipyong ginagamit dito. Ang kaibahan lamang ay mga particle sa hangin ang ating binibilang, hindi mga cell,” paliwanag ni Dr. Lim sa ikaanim na webinar ng Innovation Impact Stories ng UPD-CS Innovation Program. Binanggit din niya na ang mga kagamitan at kabuuang pagkakaayos nito ay hindi nakadepende sa paghubog ng napakaliliit na bahagi.
Ang unang pangmatagalang aktuwal na paggamit ng Project ROAM ay isinagawa sa Cauayan, Isabela. “Nanatili roon ang yunit nang humigit-kumulang anim hanggang walong buwan. Wala namang kakaibang nangyari rito, maliban sa inilagay ito sa isang maalikabok na kapaligiran,” aniya. Ipinaliwanag pa niya na ang monitor ng kalidad ng hangin na ginagamit ng DENR-EMB ay hindi maaaring ilagay kung saan-saan, lalo na sa mga lugar na matindi ang polusyon, sapagkat nangangailangan ito ng pagkukumpuni o maintenance pagkalipas ng ilang panahon.
Nang maibalik ang yunit, inakala noong una na ito ay nasira na. Gayunman, matapos itong suriin, napag alamang maayos pa rin itong gumagana.
“Kahanga-hanga ito dahil inaasahan kong tuluyan na itong mababarahan. Napakarumi na ng panlabas na bahagi ng yunit, ngunit gumagana pa rin ito. Iyon ay dahil hindi ito umaasa sa isang maliit na butas o pinhole, gumagana ito tulad ng isang microscope,” sabi ni Dr. Lim. “At dahil ito ay gumagana na parang isang microscope, mas mataas ang hangganan nito bago maabot ang saturation kumpara sa karaniwang mga kagamitang pangmonitor ng hangin.”
Bukod sa Isabela, ang pinakamalayong lugar na pinaglagyan ng kanilang yunit ay sa South Cotabato, kung saan nanatili itong gumagana kahit naiwan nang halos anim na buwan nang walang regular na pagmomonitor. Mura rin ang pagkukumpuni ng ROAM, kaya nahirapan ang ilan na maniwalang isa itong de-kalidad na kagamitan.
“Sa ngayon, napag-alaman naming ang pinakamainam na gumagamit ng teknolohiyang ito ay ang mga local government unit o LGU. Sa katunayan, ganoon namin ipinuwesto at pinalawak ang Project ROAM. May mga lumalapit na lamang sa amin, at hindi pa nga namin alam kung sino ang nagrekomenda sa kanila,” pagtatapos ni Dr. Lim.
Ang Innovation Impact Stories ay isang serye ng webinar na nagpapakita kung paano nagdudulot ang agham, teknolohiya, at inobasyon ng tunay na pakinabang sa lipunan. Itinatampok ng programang ito ang mga kuwento, hamon, at tagumpay sa likod ng mga inobasyong nakabatay sa pananaliksik na may makabuluhang ambag sa iba’t ibang larangan. Layunin nitong magbigay-kaalaman at magbigay
inspirasyon sa mga mag-aaral, mananaliksik, at guro. Panghuli, layon nitong isulong ang kolaboratibong inobasyon na nag-uugnay sa teorya at praktika.
Para sa mga katanungan ukol sa Innovation Impact Stories, mangyaring magpadala ng mensahe sa cs.innovation_committee@science.upd.edu.ph
References:
Air quality monitoring for enhanced understanding of health impacts and beyond. (2026, February 20). World Health Organization (WHO). https://www.who.int/publications/i/item/B09646#:~:text=Overview,and%20Policy%20Summaries%20(SPS)
For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.