UPD Bio Students In-explore ang Plant Morpho-anatomy sa Pamamagitan ng Sining

Published: July 6, 2026
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Dr. Ian Kendrich C. Fontanilla

Plant Morpho-ARTnatomy mini exhibition. (Photo credit: Eunice Jean C. Patron)

Noong Mayo 2026, ang Institute of Biology (IB) ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman – College of Science (UPD-CS) ay nag-host ng mini exhibition na “Plant Morpho-ARTnatomy”, na nagpapakita ng mga gawa ng mga mag-aaral ng Biology 101.


Itinatampok sa mga ipinakitang likhang sining ang mga specimen at istruktura ng halaman na pinag-aralan ng mga mag-aaral, na ginawa sa iba’t ibang media—gaya ng charcoal, watercolor, lapis, acrylic, oil, at pastel—na inilatag sa iba’t ibang materyales tulad ng canvas, papel, kahoy, at mga tabla. Pinaglaanan ng bonus points ang mga mag-aaral na lumahok sa eksibisyon bilang pagsumite ng kanilang sining.


Ibinahagi ng guro sa Biology 101 na si Dr. Erika Marie Bascos na ang kanyang pagkahilig sa sining ang naging inspirasyon niya upang simulan ang eksibisyon. “Noong pandemya, hinikayat ako ng aking mga anak na magsimulang magpinta. Nakita kong nakakarelaks at nakakatulong ito laban sa pagkabalisa, at natural itong dumating sa akin dahil sa aking background sa pagtuturo ng drawing-based courses,” sabi niya.


Ipinaliwanag ni Dr. Bascos na ang mga specimen na nakikita nila sa klase—bagong nakolekta man o napreserba—ay kailangang iguhit at i-label ang mga bahagi ng mga mag-aaral. Nagsisilbing study plate ang mga ito upang maaari nilang suriin para sa mga pagsusulit. Nabanggit niya na ang mga mag-aaral ay may mataas na kasanayan sa pagguhit, na gumagawa ng detalyadong gawain gamit ang lapis at pen. Ginagawa nila ang mga plate sa klase at isinusumite ang mga ito pagkatapos ng mga sesyon. Ang mga gawaing ito ang nagbigay inspirasyon sa kanya upang ipakita ang kanilang mga likha sa isang eksibisyon.


Ilan sa mga likhang-sining na itinampok sa mini exhibition.

“Nagulat ako na napakaraming estudyante ang nagsumite, at ang bawat isa ay may kanya-kanyang istilo—ang iba ay paggantsilyo, ang iba ay gumawa ng mga 3D na likha, at ang iba ay gumamit ng clay. Ang namumukod-tangi sa akin ay kung gaano sila katiyaga. Sabi pa nga ng isang estudyante, ‘Ma’am, hindi ko kaya,’ ngunit sa huli, ang kanyang trabaho ay naging isa sa pinakamahusay,” dagdag ni Dr. Bascos. Karamihan sa kanyang mga mag-aaral ay walang karanasan sa paggawa ng sining, kaya nakita niyang kahanga-hanga na ang kanilang mga output ay mukhang sanay, kahit na ito ang kanilang unang pagkakataon. May isang buong semester ang mga mag-aaral upang mag-explore at hinikayat na pumili ng anumang nais nilang likhain.

 

Ang mga likhang sining ay mula sa mga paglalarawan ng mga aktwal na halaman tulad ng mga fern at pitcher plant hanggang sa kanilang mga microscopic structure, kabilang ang mga trichome, plant crystal, at tissue. “Maaaring gusto rin ng ilan sa kanila na maging scientific illustrator. Magiging mahusay iyon dahil mayroon na silang background sa sining, at naiintindihan nila ang morphology at anatomy bilang mga mag-aaral ng biology,” sabi niya.

 

Sinabi ni Janine Patricia Omalin, isa sa mga mag-aaral na lumahok sa eksibisyon, na nasiyahan siya sa aktibidad. “Nagdo-drawing ako mula pa noong bata ako. Ginagawa ko ito tuwing bakasyon,” dagdag niya, habang ipinapakita ang kanyang pagguhit ng Pinus echinata, ang scientific name ng shortleaf pine.

 

Isa pang estudyante, si Althea Bernice Javier, ay nagpinta ng stellate aerenchyma, isang tissue na binubuo ng mga cell na hugis bituin na may malalaking interconnected air space na nagbibigay-daan sa mabilis na sirkulasyon ng oxygen sa halaman at makikita sa mga dahon ng saging. “First time kong magpinta. Nag-drawing ako dati, pero first time kong magpinta. Masarap magkaroon ng experience,” bahagi niya.

 

Umaasa si Dr. Bascos na ituro muli ang plant morphoanatomy laboratory sa susunod na semester at magdaos ng isa pang eksibisyon ng mga likhang sining ng kanyang mga estudyante. Handa ring magbigay ang kanyang mga mag-aaral ng kanilang mga gawa sa IB upang matulungan ang mga susunod na mag-aaral sa Biology 101 na pag-aralan ang istruktura ng mga specimen ng halaman.

“Ang ginawa nila ay higit pa sa likhang sining-ito ay patunay na ang agham at sining ay maaaring mag-coexist,” sabi niya. Tinatalakay ng kursong Biology 101 ng IB ang morphology at anatomy ng vascular plants.

 

Ang eksibit ay bukas sa publiko hanggang Hulyo 24, 2026, sa IB.

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.