Bagong Aklat Pambata na Tampok ang Isang Pilipinang Siyentista, Inilunsad

Published: June 15, 2026
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Dr. Eizadora T. Yu

Inilathala ang pangatlong aklat pambata sa seryeng Sulong Agham. Tampok ng pinakabagong aklat si Dr. Gay Jane Perez, ang Direktor Heneral ng Philippine Space Agency (PhilSA) at propesor sa Institute of Environmental Science and Meteorology (IESM) sa Kolehiyo ng Agham sa UP Diliman.

 

Ang paglulunsad ng aklat na “Isang Puwang sa Kalawakan: Si Gay Jane Perez at ang Diwata-1” ay dinaluhan ni Dr. Perez, ng may-akda na si Eugene Evasco, at ng ilustrador na si Henrick Dulin. (Larawan mula kay Terence Craig Soroño)

Namahagi ng pirmadong kopya ng “Isang Puwang sa Kalawakan: Si Gay Jane Perez at ang Diwata-1” sa mga dumalo sa paglulunsad nito noong Mayo 8, 2026, na ginanap sa bulwagan ng UPD-CS Admin Building. Dinaluhan ito ng mga mga panauhing pandangal na sina  Dr. Gay Jane Perez, may-akdang si Dr. Eugene Evasco, at ilustrador na si Henrick Dulin. Tinalakay sa aklat pambata ang buhay at mga nagawa ni Dr. Perez bilang pinuno ng pangkat na nasa likod ng Diwata-1, ang kauna-unahang microsatellite ng Pilipinas at ang unang satelayt na dinisenyo at ginawa ng mga Pilipino.

 

Ang Palanca Hall of Fame awardee na si Dr. Evasco ang sumulat ng aklat. Nilarawan niya sa kwentong pambata ang salaysay ng isang makabayang siyentista na ang layunin ay hindi lamang ang sariling pag-unlad, kundi pati na rin ang paglilingkod sa bayan. Sa pamamagitan ng kwento ni Dr. Gay Perez, umaasa siyang makahikayat ito ng mga batang Pilipino na abutin ang kanilang mga pangarap at maging bahagi ng susunod na henerasyon ng mga siyentistang magdadala sa agham at pananaliksik ng Pilipinas sa mas mataas na antas. “Nais ko ng ipakita sa mga kabataan ang isang tunay halimbawa ng Pilipina na nakakamit ng malaking tagumpay,” aniya.

 

Dumalo sa paglulunsad ng aklat noong Mayo 8, 2026, sa bulwagan ng UPD-CS Admin Building, ang mga guro at estudyante ng UP, gayundin ang mga kinatawan ng media. (Larawan mula kay Terence Craig Soroño)

Ibinahagi naman ni Dr. Perez ang kanyang saloobin sa pagkakaroon ng isang aklat pambata na tampok ang kanyang buhay. “Kung may isang salitang makakapaglarawan sa karanasang ito, iyon ay nakakapagpapakumbaba. Nagulat ako na may ganitong uri ng proyekto. Nang mabasa ko ang aklat, ay yun din ang unang pagkakataong nakita ko ang sarili kong kwento. Kakaiba ang pakiramdam dahil kapag ako ay nagkwekwento ng aking buhay, piling bahagi lamang ang naibabahagi ko. Ngunit sa kwentong sinulat ni Eugene- mula sa aking kabataan sa Naga, hanggang sa NASA at sa PhilSA, ay nagbigay ito sa akin ng mas malalim na pagpapahalaga sa aking pinagdaanan. Nakita ko ang aking kwento mula sa ibang pananaw,” aniya.

 

Ibinahagi rin ni Dr. Perez na tulad ng maraming kabataan, itinuring niya noon ang sarili bilang isang ordinaryong tao. Hindi niya pinangarap maging siyentista sapagkat wala naman siyang kilalang siyentista noong siya ay bata pa. “Ang mensaheng nais kong ipaabot sa mga batang babasa ng aking kwento, ay kaya rin nilang makamit ito—at higit pa. Dumating ang mga oportunidad sa aking buhay, at naging handa akong yakapin ang mga ito at harapin ang mga hamon. Dahil doon, narating ko kung nasaan ako ngayon,” dagdag niya.

 

Binigyang-diin din ni Dr. Perez na ang maagang pagkakaroon ng mga role models ay maaaring magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga batang babae na pumasok sa larangan ng Agham, Teknolohiya, Inhinyeriya, at Matematika (STEM). Habang lumalaki, ang mga babaeng siyentistang nakikita niya ay kadalasan lamang sa mga pelikula, at madalas pang inilalarawan bilang mga “baliw na siyentista” na magulo ang buhok. “Noong bata pa ako, sana ay mas marami akong naging role models—napakahalaga niyon. Nagpapasalamat ako na nang dumating ang panahon ng pagpapasya tungkol sa aking karera, ay nabigyan ako ng pagkakataong makatrabaho ang mga taong maaari kong tularan, at sila ang naging inspirasyon ko upang tahakin ang agham,” paggunita niya.

 

Ayon naman kay Dr. Giovanni Tapang, dating Dekano ng UPD-CS, kaibigan at dating kasamahan  ni Dr. Perez sa National Institute of Physics (NIP), ipinakikita ng Isang Puwang sa Kalawakan kung gaano kahalaga ang agham at teknolohiya sa paghubog ng kinabukasan ng bansa. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng ambag ni Dr. Perez sa larangan ng agham pangkalawakan. Dagdag pa niya, ang aklat ay hindi lamang pagdiriwang ng mga tagumpay ni Dr. Perez kundi pagkilala rin na may lugar ang kababaihan sa larangan ng space science at STEM. “May kakayahan tayong angkinin ang maliit na puwang na iyon, palawakin ito, at ilantad para sa kapakinabangan ng Pilipinas,” pagtatapos ni Dr. Tapang.

 

Nabuo ang serye ng mga aklat pambatang Sulong Agham sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Kolehiyo ng Agham at Kolehiyo ng Arte at Literatura ng UP Diliman, at ng non-profit na organisasyong Supling Sining, Inc.

 

Kabilang din sa iba pang aklat sa seryeng ito ang Ang Doktor ng Dagat, na tampok ang marine scientist na si Deo Florence Onda na isinulat ni Prof. Rosario Torres-Yu; at Ang Natatanging Ngaratngat, na tampok ang biologist na si Leonard Co na isinulat naman ni Prof. Mon Sy.

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.