Isang UP Alumnus Pinangunahan ang Digital Health Initiative para sa PH Marginalized Communities

Published: November 17, 2025
By: Eunice Jean C. Patron
Translated by: Dr. Ian Kendrich C. Fontanilla

The ATIPAN Project aims to bring digital health to marginalized communities. (Photo credit: Center for Informatics)

Ang mga liblib na komunidad sa Pilipinas ay nahaharap sa mga hamon na humahadlang sa kanilang pag-access sa mga de-kalidad na healthcare service. Bilang tugon, ipinatupad ni Dr. Romulo De Castro at ng kanyang grupo ang ATIPAN Project, na naglalayong iparating ang digital health sa mga marginalized na komunidad.

 

Dahil sa inspirasyon mula sa salitang Hiligaynon na atipan—na nangangahulugang “pangalagaan”—at mula sa mga komunidad ng Ati na pinaglilingkuran ng grupo ni Dr. De Castro, inilunsad ang proyekto noong 2021 upang mag-alok ng mga libreng teleconsultation, magbigay ng technology at training para sa mga health worker na nakadestino sa katuwang na mga katutubo at mga low income rural community sa Kanlurang Visayas, gayundin ang pagbibigay ng mga pangunahing gamot at pangangailangang pangkalusugan.

 

Naging positibo ang pagtanggap sa ATIPAN Project mula sa mga komunidad, na nagpapatunay sa mga benepisyo ng telehealth sa kanilang lugar. Habang hindi pa ganap na nasusuri ang mga pangmatagalang epekto ng proyekto, ipinakikita na nito ang potensyal na baguhin ang paghahatid ng health care sa mga remote at under-resourced community, lalo na sa pamamagitan ng pagpapabuti ng local access sa health services.

 

Ang proyekto ay kasalukuyang pinopondohan ng mga dayuhang ahensya, at umaasa itong magkakabunga ang ginagawa nilang mga expansion plan at innovation.

 

Si Dr. De Castro ay alumnus ng University of the Philippines – Diliman College of Science (UPD-CS), nakapagtapos ng degree sa Molecular Biology at Biotechnology. Siya ngayon ang Direktor ng Center for Informatics ng University of San Agustin sa Iloilo City.

 

Kamakailan lang ay naging resource speaker si Dr. De Castro sa “Innovation Impact Stories: A Webinar Series on the Societal Impacts of Science Innovation” ng UPD-CS Innovation Program na ginanap noong Oktubre 15, 2025.

 

Ang Innovation Impact Stories ay isang webinar series na nagsisiyasat kung paano tinutulak ng agham, technology, at innovation ang real-world impact. Itinatampok ng seryeng ito ang mga paglalakbay, hamon, at tagumpay sa likod ng mga research-driven innovation tungo sa mga makabuluhang kontribusyon sa iba’t ibang larangan. Layon nitong ipagpaalam at bigyang-inspirasyon ang mga mag-aaral, mananaliksik, at guro na pasiglahin ang isang kultura ng purposeful at collaborative innovation na tumutulay sa academic theory at practical application.

 

Para sa mga katanungan tungkol sa Innovation Impact Stories, mangyaring mag-message sa cs.innovation_committee@science.upd.edu.ph.

 

References:

Zamora, P. R., Celeste, J., Rivera, R. L., Petrola, J. P., Aguila, R. N., Ledesma, J., Ermoso, M. K., & De Castro, R. (2024). The ATIPAN project: A community-based digital health strategy toward UHC. Oxford Open Digital Health, 2. https://doi.org/10.1093/oodh/oqae011

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.