UP Scientists Pinag-aralan ang Kontribusyon ng Duktor at Katipunerong si Francisco Tongio Liongson, MD

Published: September 19, 2025
By: Dr. Benjamin Vallejo Jr.
Translated by: Dr. Ian Kendrich C. Fontanilla

Ang mga katulad nina Dr José Rizal, Heneral Antonio Luna, Juan Luna, at Marcelo H. del Pilar ay pamilyar sa maraming Pilipino. Taliwas nito, di gaanong tanyag ang karera ni Dr. Francisco Tongio Liongson.

Kilala ang buhay at karera ng mga Ilustradong Pilipino sa Madrid nitong huling dalawang dekada ng ika-19 na siglo. Ang mga katulad nina Dr José Rizal, Heneral Antonio Luna, Juan Luna, at Marcelo H. del Pilar ay pamilyar sa maraming Pilipino. Taliwas nito, di gaanong tanyag ang karera ni Dr. Francisco Tongio Liongson. Tulad ni Heneral Luna, nagsanay si Liongson bilang isang siyentista sa Universidad Central de Madrid, kung saan nakuha niya ang kanyang doktorado, at nagpatuloy ng postdoctoral training sa Institut Pasteur sa Paris. Tulad ng maraming siyentistang Pilipinong nag-aral sa ibayong dagat, bumalik siya sa layuning magtatag sana ng mga laboratoryo at magturo ng mga medical student, kung hindi lang nangyari ang rebolusyon at nakamit ang kasarinlan ng Pilipinas.

 

Si Dr. Francisco Tongio Liongson ay isa sa mga siyentista na, matapos ang pag-aaral ng doktorado, ay sumapi sa Katipunan at nakipaglaban sa Rebolusyon. Ang mga siyentista mula sa UP Diliman College of Science (UPD-CS)—Dr. Benjamin M. Vallejo Jr. ng Institute of Environmental Science and Meteorology, at mga kapwa may-akda na sina Dr. Rodrigo Angelo C. Ong at Raymundo Pascual Addun—ay naglathala kamakailan ng isang papel tungkol sa karera ni Dr. Liongson.

 

Nirebyu ng kanilang papel, na batay sa doctoral thesis at clinical notes ni Liongson, kung paano na-conceptualize ni Liongson ang kanyang pag-unawa sa immunology—na isang umuusbong na larangan noong unang bahagi ng 1890s. Gamit ang primary scientific research material na sinagguni ni Liongson—gaya ng mga pag-aaral nina Metchnikoff, Toussaint, von Behring, Pasteur, Roux, at Héricourt—nailarawan ng mga mananaliksik ang pag-usad ng medical at clinical theories ni Dr. Liongson, lalo na sa pagbuo ng bakuna laban sa anthrax.

 

Nakagawa si Dr Liongson ng mga haka-haka at konklusyon na na-anticipate ang marami sa advances sa immunology noong ika-20 siglo, tulad ng humoral theory. Sa pamamagitan ng pananaliksik, mariin niyang itinaguyod ang pagbabakuna bilang isang paraan upang labanan ang mga nakakahawang sakit at iligtas ang milyun-milyong buhay. Sa unang 15 taon ng ika-20 siglo, 18 milyong Pilipino ang nabakunahan. Bilang resulta, bumaba ang mga namatay mula sa mga sakit na kayang puksain ng bakuna—mula 40,000 noong 1902 hanggang 823 na lamang noong 1913.

 

Si Dr. Liongson ay nagsilbi bilang military doctor ni Heneral Luna noong Rebolusyon. Pagkatapos na mapasailalim ang buong Pilipinas sa mga Amerikano noong 1902, siya ay naging doktor ng probinsiya ng Pampanga; kalaunan ay pumasok siya sa pulitika at nahalal bilang Senador ng Pampanga noong 1916, kung saan nag-akda siya ng mga panukalang batas ukol sa public health at vaccination. Namatay siya noong 1919 sa edad na 49 dahil sa anthrax—na sa kabalintunaan ay naging paksa ng kanyang doctoral thesis. Ang kontribusyon ni Liongson sa immunology ay humantong sa unang matagumpay na clinical trial ng isang anthrax vaccine noong 1935.

Ang papel nina Vallejo, Ong, at Addun, na pinamagatang “A Filipino Doctor at the Birth of Immunology and National Revolution: The Career of Francisco Tongio Liongson, MD,” ay inilathala sa Journal of Research in the History of Medicine ng Shiraz University of Medical Sciences sa Iran.

 

References:

Vallejo Jr., B., Ong, R.A.C., Addun, R.P., 2025. A Filipino Doctor at the Birth of Immunology and National Revolution: The Career of Francisco Tongio Liongson, MD. Res Hist Med, 14(3), pp. 239-252. doi: 10.30476/ rhm.2024.103717.1239.

https://rhm.sums.ac.ir/article_51035.html

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.