UP Biologists Tumulong sa Pagtuklas ng Bagong Species ng Philippine Forest Mice sa Mindoro

Published: June 25, 2025
By: Rio Constantino
Translated by: Dr. Ian Kendrich C. Fontanilla

Mouse A: A. gracilirostris; mouse B: A. veluzi; mouse C: A. crinitus; mouse D: A. minor (Photo credit: Heaney et. al 2025)

Ang Mindoro ay nagsisilbing tahanan ng natatanging kasaganahan ng endemic mammalian wildlife na hindi matatagpuan saanman sa mundo. Kabilang dito ang sikat na tamaraw, ang Mindoro warty pig, at ang hamak na Mindoro shrew. Ngayon, may tatlo pang species ang idinagdag sa listahan, salamat sa bagong tuklas na mga Philippine forest mice—lahat kabilang sa genus ng Apomys.

 

Mula 2013 hanggang 2017, nangalap ang mga pangkat ng mga field biologist na pinamumunuan ng yumaong kilalang Filipino scientist na si Danilo Balete sa mga di gaanong napupuntahang kagubatan sa Mindoro. Sa kanilang mga ekspedisyon, napansin nila ang tatlong natatanging mga dagang gubat na kapansin-pansing naiiba sa isa pang kilalang endemic species sa isla, ang Apomys gracilirostris.

 

Nakipagtulungan si Balete kay Dr. Mariano Roy Duya at Melizar Duya ng UP Diliman College of Science Institute of Biology (UPD-CS IB), kasama ang mga biologist mula sa Estados Unidos, upang suriin ang mga gene, balahibo, at istruktura ng bungo ng mga dagang gubat na ito. Makalipas ang halos isang dekadang pagsusuri sa laboratoryo, kinumpirma ng pangkat na tiyak na mga bagong species ang tatlong daga: ang maliit na Apomys minor, ang may mabuhok na taingang A. crinitus, at A. veluzi, na ipinangalan bilang parangal sa yumaong Maria Josefa “Sweepea” Veluz, isang kilalang mammalogist ng National Museum of Natural History of the Philippines.

 

Lalong napataas ng pagkatuklas ang bilang ng mga endemic mammal sa Mindoro mula siyam hanggang labindalawa. Pinagtitibay din nito ang katayuan ng isla bilang isang natatanging evolutionary hotspot—na kinikilala ngayon bilang ang pinakamaliit na isla sa buong mundo na pinagganapan ng mammalian speciation.

 

Gayunpaman, hindi lamang Mindoro ang sentro ng biodiversity sa Pilipinas. Ang mga geographical characteristic na humubog sa natatanging wildlife nito ay matatagpuan din sa marami pang bahagi ng bansa. Ang Luzon, halimbawa, ay mayroon ding kahalintulad na kumplikadong geologic history at napakalawak na biodiversity. Ganoon din ang makikita sa ilang bahagi ng Mindanao. Ito ang dahilan kung bakit napakaraming biologist ang naaakit sa Pilipinas—at kung bakit marami rin ang nag-aalay ng kanilang mga karera sa pagtatanggol sa mga kagubatang nito.

 

Ang ginawang pag-aaral, na pinamagatang “Three new species of Philippine forest mice (Apomys, Muridae, Mammalia), members of a clade endemic to Mindoro Island,” ay nailathala sa journal na Zootaxa.

 

References:

Heaney, L.R., Balete, D.S., Duya, M.R.M., Duya, M.V., Kyriazis, C.C., Rickart, E.A., Steppan, S.J. & Rowsey, D.M. (2025) Three new species of Philippine forest mice (Apomys, Muridae, Mammalia), members of a clade endemic to Mindoro Island. Zootaxa, 5647 (1), 1–26. https://doi.org/10.11646/zootaxa.5647.1.1

 

For interview requests and other concerns, please contact media@science.upd.edu.ph.