CS 2023 Recognition Day Inspirational Message

by College of Arts and Letters Professor Emeritus Dr. Rosario L. Torres-Yu

July 29, 2023, 3pm UP Theatre

Pagbati at Pasasalamat 

 

Isang mapagpalayang hapon sa mga magsisipagtapos.  Sandali na lang, malaya na kayo.

 

Mainit na pagbati sa Kolehiyo ng Agham na nasa 21.9 ektaryang Complex, ang kolehiyong may pinakamaraming regular na fakulti at konsentrasyon ng PhD scientists, idineklarang Center of Excellence, at pinakamaraming publikasyon sa national at international refereed scientific article.  National Center of Excellence din ito sa advanced education and research sa natural at mathematical sciences. Wow!

 

Pagbati sa   magigiting na fakulti at magagaling na bumubuo sa administrasyon ng Kolehiyo ng Agham!

 

Isang napakalaking karangalan ko na magpabaon ng inspirasyon sa inyong mga mag-aaral, na ilang tulog na lang ay sasama na sa hanay ng mga siyentista ng ating bayan. Pambihira itong pagtatapos na ito, dahil hindi kayo nasindak sa Covid 19 Pandemya .  

 

Pagbati sa lahat ng magulang at pamilya ng  magsisipagtapos . Pwede na kayong huminga nang malalim.  Matutuldukan na ang panahon ng inyong pag-aalala .Napatunayan na nila sa pagkakataong ito, na kaya nilang tumawid, sa pagmamahal  at gabay ninyo. 

Mabuhay! at   masigabong palakpakan para sa isa’t isa.

 

Pambungad   

 

          Mga mahal na magsisipagtapos, una sa lahat, hindi ako UPCAT qualifier.  Sa Philippine Normal College ako mag-aaral ng pagkaguro kasi doon ako nakapasa. Hindi ang mga parents ko ang nagdecide na sa UP ako mag-enrol.    Hindi rin ako. 

 

Nagtapos ako sa Arellano Public High School (AHS) sa Maynila, dating Manila North High School. Dito  nagsipagtapos ang naging guro ko sa UP, tulad ni Teodoro Agoncillo,  ang National Artist Amelia Lapena Bonifacio at iba pang iskolar.   Tandang Sora Leadership Awardee ako at 3rd Honorable mention sa 2,000 estudyanteng grumadyet noong 1967.   

 

Hindi ko naisip man lang na mag-kokolehiyo ako.  Manggagawa sa pabrika ng sigarilyo ang Tatay ko. At hindi nakapagtrabaho ang Nanay ko sa pagpapalaki ng siyam na anak. Pero ang adbayser ng Section 1, si Ma’am Librada Santos ang nagsabi sa aking burahin mo yang vocational; academic tract ang ilagay mo”, sa form na ipinasabmit sa amin.  Sa tulong din niya ay   tumanggap ako ng AHS Alumni Association Scholarship para sa apat na taong kurso sa Edukasyon.  

 

Ang AHS Alumni Foundation ang pumiling sa UP Diliman ako mag-aaral. Sigurado sila dito. 

 

Entrance scholar ako, sabi nila.   Pero isang semestre lang ang bisa nito. Dapat kong  patunayang maipapasa ko  ang mga sabjek ko.  Sinikap ko ito sa abot nang makakaya. May mga semestreng College Scholar ako at  paminsan-minsan ay  University scholar.  Nakatipid ang AHS sa akin ng matrikula dahil pag – CS, 50% lang ang bayad sa tuition, at pag -US, 100% libre. Ang mga sabjek na pang-major at pang-minor  ay sa College of Arts & Sciences kinukuha. Noong 4th year na ako, medyo nagrelaks na ko. Naging Presidente ako ng student org. naming Education Circle.  Grumadweyt pa rin ako nang may karangalang   cum laude.  Ganyan ang pagpasok sa UP Diliman noong 1960’s. 

 

UP na  ang Pinili Ko

 

Bago pa ko grumadweyt, inalok ako ng Prinsipal ng UPIS na magturo doon.

 

Nag-isip -isip pa ko.  Dumating ang isa pang alok.  Inimbita ko  sa College of Arts & Sciences, sa Filipino Department bilang Instructor.  Ang Chair noon ay si Dr. Ernesto Constatino ng Department of Linguistics.   Sa unang pagkakataon, pumili na ako. Pinili ko na, na magturo sa College of Arts & Sciences  ng UP Diliman. 

 

Paano ako pinalaki at kinalinga ng tradisyon at misyon ng UP?

 

Wala akong kamalay-malay sa mangyayari sa akin sa pagtuturo.  Ito ang inalok sa akin ng kapalaran at tinanggap ko.

 

 Naging tulay ko ang magagaling na mga guro ko sa College of Education at College of Arts & Sciences o AS.  Hindi ko na sila mababanggit dahil sa limitadong oras. Nagpugay ako sa kanila sa isang panayam ko.

 

Sa mga naging guro ko sa AS, napakalaking impluwensya sa akin si Amado V. Hernandez. 

 

Noong umpisa ay muntik nang hindi ko siya  naging guro dahil umaapaw na ang klasrum sa estudyante.  Wala nang mauupuan. Nakiusap ako sa harap ng klase na tanggapin na niya ako dahil hindi ako pwedeng ma-underload; may scholarship ako. “Di baleng nakatayo na lang ako, Sir ” , pakiusap ko.   Aakalain ko bang ang pagtanggap niya sa akin ang magbubukas ng pagkakataong makilala siya, hindi noong guro ko sya kundi noong pumanaw na siya. Una siyang kinilala na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan (kasabay  ni Jose Garcia Villa)  nang simulan ang gawad na ito noong 1973, Martial Law na. Pumanaw siya noong  Marso 24, 1970, estudyante pa niya ako at ibang naka-enrol sa mga klase niya noon.

Ang lawarang ito ay nakuha sa http://www.philippinerevolution.net/cgi-bin/kultura/ulos.pl?issue=20020501;article=08 na may lathalaing "Gawad Parangal sa Dakilang Rebolusyonaryo"

Ang buhay at panitikan niya ang naging paksa ng MA thesis ko.  Hinangaan ko ang pagiging lider niya ng pinakamalawak na pederasyon ng mga obrerong maka-mangagawa at makabayan, ang Congress of Labor Organization (CLO), noong dekada 50.  Peryodista muna si Amado V. Hernandez bago siya naging lider ng CLO.  Naging napakalakas ng pederasyon sa kanilang mga kampanya para sa manggagawa kaya kasama siya sa mga pinaghinalaang komunista.  Mahaba pang kuwento ito, pero ang dapat ninyong malaman ngayon ay ito.   Hindi siya makapagtuturo sa UP at Ateneo noong 1967 kung hindi siya binigyan ng parole habang dinidinig ang kanyang kaso.  At kasama na sa kasaysayan ng jurisprudence ng Pilipinas ang pagpiit  sa kanya para matakot at manahimik. Matapos ang 13 taon, nagpasya ang Supreme Court na idismiss ang kasong ” Rebellion complex with other crimes” laban sa kanya dahil walang ganitong batas na nilabag niya.  

 

Ito rin ang simula ng edukasyon ko at paghanga sa Tatay kong unyunista. At dahil dito, naintindihan ko ngayon, kung bakit noong mga bata pa kami at nagwelga sa pabrikang pinapasukan niya at nagsara ay inabot namin  ang malipasan ng  gutom.   Gayundin, sinaliksik ko ang  panitikang  likha ni Ka Amado  na natipon ko sa tatlong  librong inilathatala ng UP Press. Siya rin  at Tatay ko ang mga naging inspirasyon ko, sa pagbuo ng  disertasyon ko tungkol sa kilusang manggagawa noong panahon ng Martial Law, . 

 

Klimang Intelektuwal sa UP at Edukasyon ko

 

Namumuo ang sigwa sa klimang intelektuwal sa UP at sa bansa sa bisperas ng pagtuturo ko.  Isang senyales nito ang pagkansela sa General Commencement noong 1971.  Nagprotesta ang mga magsisipagtapos noong 1970 bilang pagtutol sa kolonyal na edukasyon.  Kaya sa bawat kolehiyo na lang ginawa ang seremonya, kasama ang College of Education.

 

Bago pa ako nagturo, nagsimula na ang edukasyon ko sa pagdaan-daan sa 2nd floor lobby ng AS

 sa pag-uusyoso ko, pakikinig sa talumpati ni Senador Ninoy Aquino o kaya ni Senador Jose (Pepe) Diokno sa AS steps, ang tinawag na Plaza Miranda ng UP Diliman.  Madalas na topic ang nakaambang deklarasyon ng Martial Law para manatili sa puwesto si President Ferdinand Marcos na matatapos na ang term of office at hindi na maaaring tumakbong muli sa pagkapresidente, ayon sa Konstitusyon.

 

At sa mga klase ko sa Kasaysayan, sa General Education at sa Panitikan, unti-unti kong naintindihan ang tungkol sa neokolonyalismo, imperyalismo at nasyunalismo. Naiugnay ko rin ang mga nangyaring rebolusyon sa ating kasaysayan, lalo na ang tungkol sa Katipunan nina Andres Bonifacio na mababasa sa librong The Revolt of the Masses ni Teodoro Agoncillo. 

 

Nang tumagal na ko sa pagtuturo, luminaw sa akin kung ano ang layunin nito. Ang magturo tungkol sa kasaysayan at kritisismo ng panitkan ng Pilipinas ay may dalang kabuluhan kung nakaugat sa tungkulin sa bayan.  Ang pagtuturo ay pagsasabuhay ng paninindigang ang edukasyon ay siyentipiko dahil mapanuri, makabayan dahil anti-kolonyal at mapagpalaya dahil dito uunlad ang sambayanan.

 

 Ang mahirap na tanong na ” Para kanino ka magtuturo?”ang   sinikap kong masagot.

 

Kung  para sa sambayanan,  ang isyu ng pambansang wika ang  pangunahing misyon ng  Departamento ng Filipino at mga Wika ng Pilipinas o DFPP.   Napakasentral nito sa paglaban sa kolonyal na edukasyon at kultura. Wika ng kapangyarihan at pribilehiyo ang wikang Ingles.  Kailangang ipaglaban ang katutubo para mabawi ang kapangyarihan at mabuo ang identidad.  Naging sentro ng misyon ng DFPP ang pananaliksik, pagtuturo at pangunguna sa kampanya para sa Wikang Filipino.  Masalimuot ang karanasan dito, subalit may napagtagumpayan. Kaaakbay ang Departamento ng Lingusitics at mga makabayang delegado, nailugar ang Artikulo 14, Seksiyon 5 ng Konstitusyon ng 1987 na kumikilala sa Wikang Filipino na wika ng pagtuturo.  Mabilis na tumugon ang UP sa pamumuno ni Presidente Jose V. Abueva. Batay sa dokumentong resulta ng malawak na konsultasyon, umpisa sa University Council, binuo ang patakarang pangwikang multilinggual na pinagtibay ng BOR, na tinawag na UP Palisi sa Wika, noong Mayo 1989.

 

Kung para sa sambayanan, hindi sapat na magturo’t magsulat lamang. Kailangang bumaba sa toreng garing na ibig sabihin ay purong salita, kulang sa gawa. Sa sarili kong pag-iisip ay  kailangan ang “salitang tinimpla ng gawa” Sumapi ako sa samahan ng mga guro sa pamantasan o SAGUPA na binubuo ng mga pinakamatitinik na intelektuwal sa iba-ibang akademikong disiplina: science, social sciences, arts and humanities.  Bukod sa mga diskasyon tungkol sa teorya at praktika ng pagbabago ng lipunan, kaunlaran, kasaysayan atbp, gumawa kami ng pananaliksik sa antas ng suweldo sa mga fakulti sa UP at sa ibang Unibersidad at isinulong ang pagtataas ng napakababang pasuweldo sa UP Faculty. Nariyan din ang pagsali sa rali ng mga fakulti sa pangunguna ni Pres. Salvador P. Lopez, awtor ng klasikong Literature and Society, na inapoynt   ni Pres. Ferdinand Marcos sa posisyong ito. Kuntodo nakasuot kami ng toga, nagmarcha kami mula sa Plaza Miranda patungo sa Malakanyang para ipahayag sa Pangulo ng Pilipinas ang mga usapin sa edukasyon.

 

Kung para sa sambayanan,  matabang lupa ng  tradisyong liberal sa  UP  ang nagpa-usbong at nagpalusog sa  akademikong kalayaan. Ito naman ang nagbunga ng klimang intelektuwal ng pagtatanong, pagsalungat, pakikilahok.  Tinulungan pa ito ng nangyayari sa labas ng pamantasan katulad ng “Unang Sigwa “o First Quarter Storm at ang marami pang kilos-protesta ng kilusang makabayan at radikal, ng mga kabataan. Nasubok ang liberal na posisyon ni Pres.S.P. Lopez nang idepensa niya ang karapatang pantao ng mga estudyante at integridad ng UP nang napigil ang pagpasok ng militar sa Diliman Campus. Sa panahon ng Diliman Commune, walang nangyaring karahasan laban sa mga estudyante at fakulti at sa pakikipag-usap ng ilang Senador na naglakad sa loob ng kampus para makipag-usap sa mga lider ng barikada, sa pangunguna ni Eva Estrada Kalaw.  Nasundan ito ng pakikipagnegosasyon ni Pres. Lopez sa mga lider-estudyante ang pasyang ihinto na ito. Nagpatuloy ang pagsusulong ng Omnibus Demands ng mga mag-aaral lalo na ang pangangalaga sa karapatang pantao.  Kung tama pa ang natatandaan ko, isang simpleng kahilingan ang agad natupad, ang ilagay ang mga pangalan ng fakulti na magtuturo at sabjek na ituturo sa panahon pa lang ng rehistrasyon para sa kalayaang pumili kung kanino gustong mag-enrol ng mga estudyante.  Sa mga panahong ito, lampas na ko sa pag-uusyuso.

 

Maupo sa isang tabi  o maki-isa?

 

Nangyari ang babala ng mga nagsuri sa nagaganap   na tunggalian sa mga taon ng dekada 70.   Ipinailalalim ang buong bansa sa Batas Militar sa bisa ng Proclamation 1081 na may petsang Setyembre 21, 1972.  Naging parang kampong militar ang Arts and Sciences Bldg. na sa umpisa ay may nakaharang na barb wire sa pagpasok dito. Klima ng takot ang pumalit sa dati; lalo na’t mabilis kumalat ang mga balitang “dinampot” ang ilang propesor ng nag-aabang sa pinto ng klasrum.  Mas marahas ang laman ng mga balita sa alternatibong midya, sa nangyayari sa labas at sa kanayunan.  Pagkamalikhain ang pinairal ng mga aktibista sa pamantasan para huwag lubos na manaig ang takot at magpatuloy.  Sa tulong ng mga dulang subersibo noong panahon ng Kastila o di kaya ay orihinal na dula, naitawid ang mga mensahe ng pagtutol at paglaban sa Batas Militar.   Halimbawa nito ang dula ni Bonifacio Ilagan at dinirek ni Behn Cervantes, ang ” Pagsambang Bayan” na naitanghal sa Wilfrido Ma. Guerrero Theatre noong Setyembre ng 1977.

 

Kasaysayan na rin ang naging saksi sa tagumpay na maibalik ang demokratikong espasyo   sa bansa kasunod ng pag-aalsa sa Edza Uno na ang mitsa ay pagpaslang kay Senador Ninoy Aquino.  Hindi sapat na ang mga salitang ito para ilarawan ang kabuuang nangyari sa buong bansa sapagkat napakamasalimuot ng danas ng pagbabago.   Nais ko lamang bigyang diin na pinatunayan dito na ang naghawan ng landas ay ang nagkakaisang damdamin at pagkilos ng sambayanan para sa katarungan at kalayaan. 

 

Nagpatuloy ako sa pagtuturo at paglilingkod bilang administrador sa iba’t ibang kapasidad, sa UP Diliman hanggang umabot ng mandatory retiremet age na 65.    Hindi ako tumawid sa kabilang bakod kahit na ang baba ng suweldo namin at madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw ang promosyon.  Alam nyo ba na noon, 50 pesos lang ang diperensya sa suweldo ng one step promotion?  Kung kabaliwan man ito, pinili ko ang UP dahil dito nabuo ang pagkatao ko, nadama ko ang kabuluhan ng pagtuturo ko sa mga iskolar ng bayan, kapit-bisig ko ang komunidad ng mga propesor na nagkakaisa sa paninindigang may pananagutan sa sambayanan ang pamantasan. 

 

“Hindi Bumubukol ang Pagod”

May ilang taon pa bago ang pagreretiro, pinag-isipan ko na kung paanong ang mga klasrum na iiwan ko ay papalitan ng mas malaki, malawak na klasrum. Kasama ng ilang mejor sa DFPP na naging mga estudyante ko sa undergrad at nagsisipagtrabaho na sa iba’t ibang NGO tulad ng Save the Children Philippines, YMCA, at sa ibang paaralan, nagawa namin ang pagbubuo ng isang NGO.  Ito ang Supling Sining Inc. na may layuning marating ang mas maraming batang Filipino sa pamamagitan ng literatura. Inorganisa namin ang Supling Sining Inc.  na naging platform sa social media  ang Facebook.   Dito namin nakasama ang iba’t ibang bata sa labas ng eskuwelahan, sa  komunidad ng mahihirap, sa bahay ampunan o kalinga, sa paaaralang publiko, sa Kamaynilaan at sa ilang probinsya, sa mga storytelling session at pamimigay ng libreng librong donasyon ng mga mismong awtor at ilang pabliser.   Dito na rin nabuklod ang mas maraming manunulat ng kuwentong pambata mula sa iba’t ibang akademikong institusyon, mga premyadong manunulat at mananaliksik sa misyong isali, lalo na ang nasa laylayan ng lipunan sa kanilang mga likha’t saliksik. 

 Sa kasalukuyan, naumpisahan namin ang isang proyekto na kapartner ang  Kolehiyo ng Agham, ang “Sulong Agham.”  Inilunsad ang una sa serye, ang kuwentong pambatang isinulat ko na hango sa buhay ni Dr. Deo Onda ng UP Diliman National Marine Science Institute. Nasa wikang Filipino ito at sa Cuyunon. Susunod ang  iba  pang scientists na may kani-kaniyang adbokasiya.  Sana, sa maliit na paraang ito ay mabigyan ng inspirasyon ang ating kabataan na mangarap maging sayantist at dito sa ating bansa maglingkod.  Si Dr. Deo ay isa lamang sa marami nang Filipinong sayantist na nagpasyang bumalik matapos ang espesyalisasyon, ginagamit ang siyentipikong kaalaman upang malunasan ang mga problema sa ating kalikasan at lipunan.

Hindi ba ako napapagod? tanong sa akin.  Ang sagot  ko dito ay ang bukambibig ng Nanay ko sa amin.   Kapag nakikita niya noon na parang wala kaming ganang kumilos, sasabihin agad  niya : ” Hindi bumubukol ang pagod!” na paraan ng pagtuturo sa amin. Magpahinga kapag natapos nang mahusay, ang dapat gawin.   Ito ang nagsanay sa amin sa ugaling “kasipagan at kahusayan.” Ipinasa ko na rin ito sa mga anak ko’t estudyante. 

 

Habilin ng Isang Guro:  Padayon 

 

Sa laki ng agwat ng edad natin, hindi ko masabing habilin ng isang lola, o ng magulang ang mga habiling iiwan ko sa inyo.  Kaya, ipalagay na lang nating nagtuturo pa ako at ang huling bahagi ng  pananalitang  ito ay mga habilin ng isang guro.   

 

Sa pagkakataong ito, magsasarili na kayo.  Iyan ang ekspektasyon sa inyo.  

At siguro, iyan din ang gusto ng karamihan sa inyo.  Saan ninyo gustong pumunta?  Anong gagawin ninyo doon?  Bakit ninyo gusto iyon? Kakayanin nyo ba?  Mahihirap na tanong ito ng paglaki at pag-unlad.  Baguhin natin nang kaunti ang mga tanong at idagdag sa bawat isa, sa simula ng tanong ang ” Bilang gradweyt ng Kolehiyo ng Agham…”

 

Bago ninyo sagutin ang mga tanong na iyan, baunin ninyo ang ilang habilin ko, para sa inyong “paglalakbay”.  

 

  1. Umpisahan ang pagsasabuhay ng misyon ng Kolehiyo ng Agham.

Patunayan ninyo na totoo ang kasabihang ” Awan ti tarong nga, agbunga ti paria.”  ( Hindi nagbubunga ang talong ng ampalaya)  o ” Ang saguing indi macabunga sang kapyas” ( Hindi nagbubunga ang saging ng papaya).   Ibig sabihin, kung ano ang puno, siya rin ang bunga.   Nangunguna ang Kolehiyo ng Agham sa maraming bagay, inaasahan naming mamumunga ito ng mahuhusay na siyentistang sasali sa kasalukuyang hanay nila.



Ang kapasidad na inyo na dahil sa apat na taon ng pagsasanay sa CS at UP Diliman ay masustansyang lupang magpapayabong pang lalo sa inyo.  Ang kapaligiran dito na malaya kayong nakapag-isip, nakapagmuni-muni, nag- eksperimento, at lumikha ay inaalagaan ng   klima ng kalayaang-akademiko.  Kaya gayun na lamang ang pagtatanggol dito sa mga panahong hinahamon ito ng Kapangyarihan.  Kaya naman, sa paglalakbay ninyo, patuloy ninyong isagawa sa inyong sariling paraan ang pag-aalaga sa kalayaang ito.   

 

  1. Kumapit sa Katotohanan at Katarungan

 

Sintanda ng ating kasaysayan ang pagtatanggol sa kalayaan at katotohanan.   Panahon pa ng Kolonyalismo ng Espanya sa Pilipinas, pinukaw na ng dakilang makabayang makatang si Francisco Balagtas, ang kalagayang ugat ng hirap at pagkaapi ng mga Filipino.  Sa danas na ito tayo laging lumilingon para sa mga aral nito sa kasalukuyan. 

 

      Sa madaling salita, inihahabilin kong manatili kayong kumakapit sa Katotohanan at Katarungan saan man kayo mapunta.  Kung ang klimang panlipunan at pampolitika ay hindi nag-aalaga sa mga ito, paano aabante ang agham at teknohiya para sa pag-unlad ng sambayanan at bayan?  

 

  1. Huwag bibitiw   

 

May isa pang tanong,   ” Gusto nyo ba ito?”   Ihahabilin ko ito at  may pakiusap:  Huwag sanang magbago ang isip ninyo.  Kailangan ng bansa natin ng higit pang maraming sayantist.

 

May personal na dahilan ang habiling ito.  May anak akong gradweyt dito,  nagpakadalubhasa sa ibang bansa  at  bumalik. Naniwala siya sa Balik-Scientist Program ng UP.   Salamat sa malikhaing solusyong ito sa problema ng UP noon at   ngayon na kulang pa ang mga sayantist na may PhD.  Si Prof. Emeritus Gisela P.  Concepcion ng UP MSI, VP for Academic Affairs  noon, ang masigasig na  nagsulong ng programa at naipatupad ito sa suporta ng Unibersidad.    Sa ngayon, fakulti na rin ng UPMSI ang anak kong balik-scientist, katulad ni Dr. Deo Onda. ko Ipinagmamalaki ko rin ang ilang naging estudyante ko sa GE  courses o PI-100  na  mga Fakulti/sayantist  na ng CS:  Prof. Emeritus Helena Yap, Dr. Ronald Banzon,  at Ma. Nerissa Abura.    

 Kinang na may Kabuluhan

 

  1. Kinang at Kabuluhan

 

At kung nagpatuloy na kayo na isang sayantist, ang pinakamahirap na tanong ay : 

“Para Kanino ka bang sayantist?”  Sa danas ko, ang mga natutuhan ko sa graduwadong programa sa Philippine Studies at Literatura ng Pilipinas ang nagbukas ng isip ko sa mga realidad  ng pamumuhay sa ating bansa.  At itong kamalayang ito ay hindi naging hiwalay sa mga gawain ko bilang guro, mananaliksik at manunulat.  Katulad nang sinabi ko kanina, ang Kinang ay dapat timplahin ng Kabuluhan para  higit na maging   Kapakinabangan sa bayan at sambayanan.  Samakatwid, hindi tayo nabubuhay para sa sariling Kinang lamang.

 

Sinasagot nang walang alinlangan ng UP Charter ng 2008, o ng  RA 9500 ang tanong para sa mga magtatapos.  Bukod sa iba pa, importanteng maisaloob ninyo ang ibig sabihin ng pagiging  isang Pambansang   Unibersidad; na  misyon nito  na manguna sa  iba’t ibang programa ng serbisyo sa publiko’t komunidad at boluntaryong serbisyo, gayundin ang tulong na  iskolarli  at teknikal sa gobyerno, pribadong sektor at civil society  samantalang napapanatili ang istandard ng kahusayan.

 

Sa anong konteksto o kapaligiran ninyo pag-iisipan ang pagtugon dito?  Narito na tayo sa panlimang habilin.

 

  1. Paano pag-iisipan  ang mga palaisipan ng kasalukuyan?  

Anuman ang laboratoryong piliin, hindi ito maitatago  sa nangyayari sa mundo.  Kumbaga sa bagyo, literal at metaporikal, umaabot sa atin ang unos, baha, lindol, pagkawasak ng kapaligiran,  kabuhayan at  kapayapaan. Idagdag pa rito ang Covid 19 Pandemyang nagpalala sa ating sitwasyon.  Gusto ko mang iwasan ang pagbanggit  tungkol dito, dahil ang pagtatapos ninyo ay dapat na maging masaya; magkukulang naman ako bilang guro kung hindi ko man lang mabanggit ang tungkol dito.  Sapagkat ang danas ay magpapatuloy kinabukasan at muling tayong sasamahan ng mga palaisipan.

 

         Sa ngayon, mainit na usaping humahati  sa  komunidad at publiko ang  teknolohiya ng Artipisyal na Karunungan.  Sa isang banda, nariyan ang pagtanggap na napakalaking kabutihan ng AI sa pagpapahusay ng  mga gawain sa iba’t ibang aspekto ng pamumuhay ng tao.  Masaya kayo ngayon sa ChatGPT ng Google, halimbawa.   Dito sa bakuran ng CS, sa Institute of Mathematics ay may naumpisahan nang pagdebelop ng AI powered Baybayin translation “converting entire paragraph and even full documents  na nakasulat sa ancient Filipino Baybayin.  Inaasahang ito ay maging una sa mundo at magbubukas ng oportunidad na malaman ang sinaunang kaalamang mahalaga sa atin, sa ating panahon.



Pero  nagulat  tayo sa  pagbibitiw ni Dr. Geoffrey  Hinton.   Ginawa niya ito para malayang magsalita tungkol sa panganib ng AI, ayon sa kanya.   Sa isang dekada niya sa gawaing ito nabuo nila ang kasalukuyang sistema tulad ng Chat GPT ng AI chatbots. Ngunit nag-aalala siya sa peligrong mangyayari  kapag  maging mas intelehente ang AI kaysa sa tao.  Nagbababala din siya na baka magamit   ng mga awtoritaryang lider ang chatbot sa pag-manipulate ng mga botante, halimbawa.

 

         Lumalakas din  ang boses ng mga nagbabala sa nangyayari sa ngayon dahil sa maaaring  idulot na malubhang kapahamakan sa sangkatauhan. Nangyayari na rin, ayon sa mga nag-oobserve ang pangamba ni Hinton na sa lalong madaling panahon ay hindi na makikita ng mga tao kung ano ang totoo sa hindi   dahil  sa   mga  AI generated photos, videos  at “text flooding” sa internet.  May nagbababala  rin sa dystopiang maaaring mangyari sa sangkatauhan tulad ni   Yuval Harari, awtor, historian, at  critic,  at  ng iba pa. May panawagan silang  magdahan-dahan  at suriing mabuti ang mga implikasyon ng kasalukuyang  nangyayari.  

 

Sa kontekstong ito, maging mapanuri tayo; una, alamin ang mga katwiran, pabor o kontra, o iba pang posisyong lilitaw at magkaroon tayo ng paninindigan:  bilang sayantist,  mamamayan, influencer, at  maaari ding bilang lider.

Isang  halimbawa  lamang  ang binabanggit ko sa mga palaisipan ng panahon natin kaugnay ng mga usaping global dahil sa limitadong panahon.  Umaasa akong  malay kayo o aware sa iba pang mga usapin.   Ang mahalaga ay manatili ang ugaling mapagmatyag na taglay na ninyo dahil  mga sayantist kayo;  maging mapanuri, makilahok at pumanig sa  pagbabagong makabubuti sa ating bayan at sa sangkatauhan.

 

Kung gayon, humayo kayong ligtas at nakatanaw sa magandang bukas!

PADAYON!


Wakas